Advertisers
MAY kasabihan ang matatanda na ganito: Hele, hele, bago quirre.
Sa simpleng salita, gustong-gustong-gusto, atat na atat, pero ayaw kunwari at ayaw magpahalata.
Kunektado ito sa sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na, “Wala po!” na sagot niya kay Karen Davila kung nagbabalak ba siya na tumakbong presidente sa 2022.
Kasi, sa maraming survey, kundi no.1, number 2 at hindi bumababa sa No. 5 si Mayor Domagoso sa mga kandidatong iboboto sa pagka-presidente o pagka-vice president.
Sa nakaraang survey ng Pulse Asia, top no. 1 siya kung tatakbong senador, na siyempre, natutuwa si Mayor Isko, sabi nga niya, “I am honored, at nagpapasalamat ako sa tiwala (ng mga tao) sa akin.”
Sa totoo lang, aminin man ito at hindi ng mga kritiko ni Mayor Isko, tumatak sa isip ng madla ang maraming proyekto at magagandang pakulo niya sa Maynila at sa mga unang buwan at hanggang ngayong 2021, bukambibig siya ng taumbayan at ng Manilenyo.
Laman siya halos araw-araw ng media – radio, TV at newspaper at suportado siya ng maraming social media vloggers at laging nakatutok ang lente ng kanyang media bureau sa bayad aksiyon, buka ng bibig at kumpas ng kamay.
Magaling ding sumakay sa patok na isyu si Isko at kahit may palpak siyang galaw at salita, mabilis ang kambiyo ng kanyang media supporters.
Rising political star nga si Mayor Moreno na totoong kinaiinggitan siya ng maraming matatandang politiko.
Kasi nga, dama ni Isko, sapol na sapol niya ang pulso ng Manilenyo; patok at kinakagat ang salitang kanto na gamit ang salitang binaligtad tulad ng “etneb,” at iba pa.
Sa mga proyekto niya, kita ang common sense, sabi nga, at ang target lagi ay ang gusto, nais, pangarap ng masa at ng mahihirap.
Nagpapakita rin siya ng tapang, bukod sa karisma – palibhasa ay dating artista – may kapital na siyang hukbo ng tagahanga na malaki ang naitulong sa pagkapanalo niya ng nakaraang eleksiyon.
Ang focus daw niya, sabi ni Mayor Isko ay ang kung paano magkakabakuna laban sa pandemyang COVID-19.
Kaya hindi muna niya ini-entertain ang politika, kaya naglaan na raw ang city government ng pondo para sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Tungkol sa balita na may mga Chinoy sa Binondo na nakapagpuslit at nagpabakuna, matigas ang banta ni Mayor Moreno, kanya raw ipakukulong kasi ilegal iyon.
Pero sa huli, nasukol din siya ng kanyang sinabi na. “Lahat kami nangangarap na maging senator, vice pres. and president.”
Hele-hele bago quierre.
***
Kulelat na tayo sa internet speeds, kulelat pa tayo sa pagkuha ng bakuna, ano ba ‘yan, Department of Health (DoH)Secretary Francisco Duque.
Kasingbagal ka na rin ng PLDT-Smart at Globe sa bagal kumilos na kung bakit gusto ka nang tirising parang ipis ng taumbayan, ewan kung balat buwaya ka, Sec. Duque at hindi ka tinatablan ng kahihiyan.
Kapag nasisikmat at nakakastigo ni Preidente Rodrigo Roa Duterte, ang laging sinisisi ay ang kanyang mga tauhan sa DOH.
Sa kapalpakan ng PhilHealth na nanakawan ng Php15-billion pondo sa panahon na siya ang chairman ng ahensiya, tunog -PNoy siya sa pagtanggi sa pandarambong sa pera ng FailHealth at ang katwiran, “Wala po akong alam.”
E, lintik kung wala kang alam, e bakit nandiyan ka pa at ayaw mong lumayas e wala ka palang alam.
Ang banta ni Presidente Duterte sa PLDT-Smart at Globe, e gobyerno na ang magpapatakbo ng internet connection sa bansa pag hindi napabilis ang serbkisyo nito – na hindi nangyari at sobrang kupad parin hanggang ngayon.
Hindi lang mabagal, madalas kundi parang ilaw na patay-sindi, wala talagang internet service.
Kahit tawagan mo ang customers service ng Globe at PLDT-Smart, mabagal nang kumilos at madalas hindi sumasagot o aabutin ng sanlinggo bago dumating ang repairman ng naputol na internet connection.
Wala ka na ngang bakunang COVID, wala ka pang matinong internet connection na ayon sa World Bank, ito ay napakahalaga para maka-survive ang lugmok na nating ekonomya at industriya at hanapbuhay.
Paano na kami, Tatay Digong?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.