Advertisers

Advertisers

Bong Go: Publiko ipanatag ang isip sa COVID-19 vaccine

0 320

Advertisers

HINILING ni Senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate committee on health, sa pamahalaan na ipanatag ang isip at palakasin ang kumpyansa ng Filipino sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccines sa pamamagitan pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa kabutihan nito.

“Mas paigtingin pa natin ang information dissemination campaign para hindi matakot ang mga Filipino na magpaturok ng vaccine kapag napatunayang safe at effective na ito at aprubado na ng FDA,” ayon kay Sen. Go.

“Habang sinisikap ng gobyerno na makakuha ng sapat, epektibo at, higit sa lahat, ligtas na bakuna, ipaintindi rin dapat sa tao ang mga hakbang na ginagawa dahil buong bansa ang magkakabenepisyo rito upang malampasan ang krisis na dulot ng COVID-19,” idinagdag niya.



Idiniin ng senador na kung may alam ang bawat isa at nabigyan ng wastong impormasyon, makatutulong ito sa bayanihan efforts para malagpasan ng bansa ang pandemya.

“Kung informed ang taumbayan, mas mapapanatag ang loob nilang magpaturok kapag mayroon nang bakuna, at mas makakatulong sila sa bayanihan efforts upang labanan ang sakit,” paliwanag ng senador.

Sinabi ng senador na bukod sa pagtiyak sa availability, accessibility at affordability ng bakuna para sa lahat ng Filipinos, responsibilidad din ng gobyerno na i-update ang publiko sa estado ng pagbili— gayundin sa mga plano sa distribusyon at paggamit— hanggang sa magkaroon ng full recovery at makamit ang ‘herd immunity’ kapag maayos na naimplemernta ang COVID-19 vaccine roadmap.

“Dapat maintindihan ng tao ang plano para malampasan ang krisis na ito. Tiwala ako na may hakbang na ginagawa na ang gobyerno sa pamumuno ni vaccine czar pero malaking bagay para magkakumpyansa ang tao ay maipaliwanag sa kanila para tumaas ang tiwala at mawala ang agam agam,” ani Go.

“Huwag nating pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino. Bigyan dapat ng tamang impormasyon ang publiko para hindi matakot at magkaroon ng confidence ukol sa mga vaccines na ito,” sabi pa niya.



Ayon sa senador, dapat makuha ang kumpiyansa ng mga tao dahil marami aniyang gustong magpaturok pero natatakot pa sa ngayon.

“Totoo naman, dapat safe, unahin natin ang safety at efficacy ng mga ito,” aniya.

“Pagpursigihin natin na lahat ng mga Pilipino ay mabibigyan at matuturukan. Sabi nga ni Pangulong Duterte, we are not safe until everyone is safe. Kung may safe at approved vaccine na, unahin natin ang mahihirap, vulnerable sectors, including mga frontliners upang makabalik na tayo sa normal na pamumuhay,” idiniin ng mambabatas.

Kaugnay nito, nabatid na ang Senate committee of the whole ay nakatakdang magsagawa ng public hearing sa Enero 11 hinggil sa status ng national COVID-19 vaccine plan.

Sinabi ni Go na dapat gamitin ng mga kinauukulan ang pagkakataong ito para maipaliwanag sa publiko ang mga plano at ginagawang hakbang ng gobyerno para malagpasan ng bansa ang pandemya. (PFT Team)