Advertisers

Advertisers

Ang pa-ID ng QC

0 374

Advertisers

KAMAKAILAN lamang ay inilunsad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang QCitizen ID – ang identification card na digital na din at maaaring gamitin ng sinumang residente ng lungsod na nais makatanggap ng serbisyo ng lokal na pamahalaan sa larangan ng kalakalan, kalusugan o anumang benepisyo.

Digital dahil maaari kang magrehistro dito gamit ang internet, lalo na ngayong panahon pa ng pandemiya at iniiwasan o limitado ang harapang transaksiyon saan mang lugar. Ang wala namang access o kakayahang gumamit ng internet ay matutugunan din, dahil ang sabi ni Mayora ibaba nila sa mga barangay ang pagrerehistro sa QCitizen ID.

Pangunahing layunin ng ID na ito na laan lamang sa mga residente at lehitimong mamamayan ng lungsod, botante man o hindi, ay matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat mamamayan ng siyudad.



Napakagandang hangarin di po ba? Sa paraang ito kasi, mas mabibigay ng lokal na pamahalaan ang serbisyo publiko ng mabilis at mailalatag ang kaukulang mga pondo sa epektibong pamamalakad. Halimbawa na lamang ang sino ang mga uunahing bibigyan ng libreng bakuna na panglaban sa COVID-19.

Ipinaliwanag nga ng bayaw ni Mayora na nagsisilbing City Administator ngayon ng lungsod na si Mike Alimurong, mas mapapadali ang kanilang pagpapariyoridad sa mga sektor gaya ng mga senior citizen, solo parent at mga PWD o persons with disability.

Sa paanong paraan? Maaaring tanong ninyo, kasi nga naman ay may mga ID na ito na bigay din ng siyudad. Papalitan ng QCitizen ID ang mga naunang ID na naibigay na lalo na sa mga nasabing sektor upang maiwasan din ang mga pamemeke ng mga ID na nabanggit. Dahil kapag narehistro na ang isang indibidwal sa bagong QCitizen ID na magtataglay ng kaukulang ID number din, ay pangmatagalan nang gamit.

Ang mga makakalap na impormasyon sa bawat indibidwal na magrerehistro ay magiging parte ng tinatawag na data base ng lungsod, kung saan maaari nilang malaman o beripikahin kung talagang residente pa ito ng lungsod.

Kailangan lamang ng mga taga-QC na maglakip ng isang goverment-ID upang makapagrehistro. Kung wala naman nito, ay sertipikasyon lamang galing sa inyong barangay na kayo ay talagang residente nito. Mula 15 anyos pataas ang pwedeng kumuha ng QCitizen ID, ayon kay Alimurong. At sisimulan ang pagbaba ng programa sa mga barangay sa January 15, para sa mga di makagamit ng internet upang makapagrehistro.



Kung ako sa inyo na mga naninirahan sa Quezon City, sasamantalahin ko na ang pagkakataong ito at magpaparehistro, upang gaya ng kawikaan, ay mapalapit ako sa kusina. At mapalapit at mapagaan ko ang aking pakikipag-ugnayan sa aking lokal na pamahalaan. Kudos! Sa iyong liderato Mayor Joy!