Advertisers

Advertisers

Dahil sa bagong variants ng COVID-19: Face mask, face shield gawing mandatoryo — Bong Go

0 284

Advertisers

NAIS ni Senator Christopher “Bong” Go na gawing mandatoryo ang pagsusuot sa mga pampublikong lugar ng face mask at face shield para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Hiniling din ni Go sa pamahalaan na mamahagi ng libreng masks at face shields sa mga mahihirap na hindi makabili nito kung gusto itong mahigpit na maipatupad.

Sa isang pag-aaral na inilabas ng University of the Philippines-OCTA Research, lumitaw na 61% ng Metro Manila respondents ang palagi at regular lamang na gumagamit ng face shields sa labas ng kanilang mga tahanan.



“Hindi pa tapos ang laban kontra COVID-19. Huwag muna tayo magkumpyansa. Sumunod tayo sa patakaran ng gobyerno dahil ang kapakanan naman ng lahat ang inuuna natin dito,” ayon kay Go.

“Importante ang buhay ng bawat Pilipino. Para dun sa hindi makabili ng sarili nilang mask at face shield, bigyan dapat ng gobyerno ng libre para makapag-comply sila,” dagdag niya.

Sa kabila ng kahalagaan ng basic health guideline ng pagsusuot ng masks at face shields, sinabi ni Go na marami pa ring mahihirap na Filipino ang walang kakayahang bumili kaya umapela siya sa concerned government agencies na mamahagi nito nang libre.

“Marami po sa ating mga kababayan ang nawalan o nahihirapang maghanapbuhay dahil sa pandemya. Dagdag pasanin pa po sa kanila ang pagbili ng masks at face shields, kaya naman po hinihimok ko ang mga ahensya ng gobyerno na magbigay ng libreng masks at face shields sa mga mahihirap nating kababayan,” anang senador.

“Tulungan po natin silang makapag-comply sa mga health protocols na ating ini-impose dahil sa pandemya,” aniya.



Nabatid na may bagong COVID-19 variants, kabilang ang B117 strain, ang nag-umpisang kumalat sa United Kingdom.

Ito ay sinasabing 71% mas nakahahawa kaya sinabi ni Go na ang pangunahing paraan upang maiwasan ang transmission nito ay ang palagiang pagsusuot ng masks at face shields.

“Normal po na mag-mutate ang virus kapag naipapasa po ito mula sa isang tao papunta sa iba sa mahabang panahon. Kaya po mahalagang magsuot ng mask at face shield para hindi na ito makahawa at mabawasan ang chances na mag-mutate pa ito,” paliwanag niya.

Sa kabila rin ng papaunti nang pagliit ng bilang ng bagong kaso ng COVID-19, patuloy ang pagpapaalala ng senador sa Filipinos na sumunod lamang sa ipinatutupad na health protocols .

“Huwag tayong magkumpiyansa. Delikado pa po ang panahon ngayon. Kung maaari po, huwag munang lumabas ng bahay dahil delikado pa po. Parating magsuot ng mask at face shield kung sa labas, maghugas ng kamay at mag-social distancing po,” hiling niya sa publiko. (PFT Team)