Advertisers
NAPANOOD nyo ba sa inyong TV screen ang nangyari sa US Capitol? Nilusob ng supporters ni outgoing President Donald Trump ang gusali ng kapitolyo, malamang dahil sa utos ng weird ex-American President.
Sa initial report, isang babae ang nasawi sa kaguluhan matapos putukan ng pulis.
Tweet ni Senador “Ping” Lacson: “Lesson learned from the mob attack on the US Capitol Hill: Do not vote for insanity.”
Sino sa tingin ninyo ang pinatatamaan dito ni Lacson? Surely hindi mga Kano, hindi rin mga Intsik, at lalong hindi mga Muslim. Now you know!!!
Tweet naman ng numero unong kritiko ni Pangulong Rody Duterte na si ex-Senator Antonio Trillanes: “After watching what happened in the US Capitol, Pinoys should expect Duterte to do worse just to cling to power before 2022. Kasi alam nyang ipapakulong natin sya after he leaves office.”
Talagang matindi ang ngitngit ni Trillanes kay Duterte noh? Ikaw ba naman ang akusahan ng kung anu-anong krimen para sana maibalik sa selda. Buti lang mahusay at malinis itong dating renegade Navy Captain, nabigo si SolGen Calida na maipakulong ang tinaguriang “kaning lamig” ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
Tama si Sen. Lacson, lesson sa mga Kano ang pagkahalal nila noon kay Trump na puros pasakit ang ginawa sa kanyang mamamayan sa loob ng 4 years na panunungkulan nito bilang lider ng pinakamapakapangyarihang bansa sa buong mundo.
Isa sa mga matinding isyu na ikinatalo ni Trump laban kay Joe Biden ay ang Covid pandemic, kungsaan milyon-milyong Kano ang nasawi dahil sa kapabayaan ng kenkoy nilang lider.
Totoo… si Trump ay isang matagumpay na negosyante. Isa siyang multi-billionaire. Kaso pagdating sa pagpapatakbo ng gobyerno ay pulpol si Trump. Wala nga kasi siyang karanasan sa public service. Ang expertise niya ay kung paano kumamal ng kayamanan. Mismo!
Ang tirada ni Trump ay parang diskarte lang din ni Duterte. Puros pramis, paasa sa mamamayan… at the end ay wala pala. Nganga si Juan dela Cruz!!!
Dito sa Covid pandemic nasubok ng husto ang husay ng isang lider ng bansa, ng kanyang mga gabinete.
Ayon sa Moody’s Analytics, grupo ng mga eksperto sa ekonomiya sa buong mundo, ang Pilipinas ang malamang huling bansa sa Asia-Pacific na makaka-recover sa pandemic-induced recession, na nakikitang makakabangon lamang sa fourth quarter ng 2022 habang ang ibang ekonomiya ay tiyak na makakabawi sa lahat ng kanilang pagkalugi bago matapos ang taong ito. Napakasakit nito, Kuya Eddie.
Kaya tama ang gustong ipahiwatig sa atin ni Sen. Lacson: Huwag tayong bumoto ng baliw sa 2022!
Eh sinu-sino ba ang malamang na tatakbo sa pangka-pangulo sa 2022? Sigurado mag-eendorso si Duterte, alin sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, trusted aid Sen. Bong Go, sa pamilya Villar o sa pamilya Marcos. Lahat naman ito ay matitino.
Sa mga oposisyon, ang malamang na ikasa ay si Vice President Leni Robredo o si Sen. Grace Poe.
Matunog din ang pagtakbo ng 8-division world boxing champion Sen. Manny Pacquiao at ng bilyonaryong philantrophist Ramon Ang ng San Miguel Corp., Petron at ng mga nagtayo ng skyways tulad ng Stage 3.
Lahat ng nabanggit na presidentiables ay hindi naman kinakitaan ng pag-uugali nina Trump at Duterte.
Pick your choice nalang, ‘yung the best sa 2022.