Advertisers
ODIONGAN, ROMBLON – Hindi kapani-paniwala ang kaguluhan sa Capitol Hill. Hindi sa Estados Unidos na timbulan ng demokrasya sa mahabang panahon. Ingay ito ng demokrasya. Sa totoo, talo si Donald Trump sa nakaraang halalan. Hindi mababaligtad ng mga white supremacist, KKK, Proud Boys, redneck, at hillbillies ang resulta ng halalan na si Joe Biden ang nanalo.
Tapos na ang labanan. Susumpa si Joe Biden bilang bagong pangulo sa ika-20 ng Enero sa ayaw o gusto ng mga tagasuporta ni Trump. Hindi lang iyan. Kontrolado ng Democratic Party, lapian ni Biden, ang Kongreso. Nanalo ang dalawang Democrat – John Ossoff at Raphael Warnock sa halalang runoff sa Georgia.
Tinawag ni George W. Bush, dating pangulo, na “insureksyon” ang gulo. “Domestic terrorism” ang salita ni Hillary Clinton. Tinawag na mga “sanggano” (thugs) ng mga lider ng Kongreso ang mga nagprotesta sa Washington DC. Pawang tinig ng pagkondena ang maririnig. Namangha ang buong mundo sapagkat kinilala ang Amerika na sentro ng demokrasya.
Isinisi ang gulo kay Trump. Siya ang responsable, ayon sa mga kapartido. Si Trump, anila, ang humikayat sa mga taga-suporta na guluhin ang nakatakdang pagkumpirma ng Kongreso sa resulta ng halalan. Kahit naantala, niratipika ang resulta at sinunod ng mga mambabatas ang proseso na nakatakda sa Saligang Batas ng Estados Unidos.
Nabigo si Trump na baligtarin ang resulta ng halalan. Mistulang isinumpa si Trump. Tinawag siyang “ang pinakamasamang pangulo sa kasaysayan ng Estados Unidos.” Itinatwa siya kahit ng mga kakampi at kapartido. Tinawag na mga buwang ang kumampi sa kanya.
May mungkahi sa hanay ng Republican Party na ipatupad ang 25th Amendment, ideklara ng Kongreso at Cabinet na nabaliw si Trump, at ibigay ang panguluhan kay Mark Pence, ang pangalawang pangulo, sa natitirang araw ni Trump sa White House.
Habang isinusulat ang kolum na ito, nabalita na may kasapi ng Gabinete ni Trump ang nagbabalak na ideklarang nababaliw si Trump at bigyang daan si Pence sa poder. May mga kasapi ng Gabinete na nagbabalak na magbitiw bilang protesta sa pagkatig ni Trump sa mga magugulong demonstrador sa Capitol Hill.
May mga ilang opisyal na kabilang sa Republican Party ang nagpahayag na baliw na si Trump at kailangan alisin sa poder. Delikado si Trump sa susunod na dalawang linggo. Baka ano ang kanyang gawin na labag sa Saligang Batas. Sa ngayon, nagbabaligtaran ang mga mambabatas na sumusuporta kay Trump.
Samantala, may mga pananaw na hindi ordinaryong insureksyon o magulong demonstrasyon ang nangyari sa Capitol Hil. Tinawag itong isang bigong kudeta kahit walang militar na kasali. Kudeta ng Proud Boys? Nagtatawanan ang maraming mamamayan sa buog mundo.
***
DITO sa Filipinas, nag-uumpisa na ang proseso upang harapin ang halalang pampanguluhan sa 2022. Inaasahan na may mga pulitiko na magpapahayag ng kani-kanilang kandidatura sa susunod na araw. May ilang pangalan na ibinabando na tatakbo sa 2022: Sara Duterte, Bongbong Marcos, Leni Robredo, Manny Pacquiao, at Grace Poe.
Binabanggit rin si Kiko Pangilinan, Dick Gordon, Tito Sotto, Sonny Trillanes, Ping Lacson, at kahit na si Bebot Alvarez at Yorme Isko. Hindi nalalayo sina Bong Go, Leila de Lima (kahit nakakulong), at ang negosyanteng si Ramon Ang. Kanya-kanyang pamumustura upang mapansin ng mga botante at bumango ang pangalan. May mga ilan na mawawala sa gitna ng mga debate. Inaasahan na bababa sa pangalawang pangulo ang iba.
Isang proseso ang susunod na 17 buwan upang maihalal ang susunod na pangulo. Mabigat ang political dynamics. Matinding debate sa publiko ang masasaksihan. Sa ngayon, may mga nakikita kaming aspeto na magsisilbing gabay sa pagpili. Kasama sa debate ang taong kung ano ang paninindigan ng mga kandidato sa usapin ng West Philippine Sea at pamamayagpag ng China sa pandaigdigang entablado. Kakampi ba siya ng China?
Tatanungin ang mga kandidato sa kanilang paninindigan sa usapin ng korapsyon, lumolobong utang ng gobyerno, at programa upang masugpo ang malawakang korapsyon. Tatanungin sila hinggil sa kanilang programa sa usapin ng ilegal na droga. Hindi maaalis na talakayin ang usapin ng maramihang pagpatay kaugnay sa bigong programa laban sa droga.
Sa gitna ng napipintong matinding debate sa merkado ng mga ideya, hindi kami naniniwala na kailangan ng bansa ang isang strongman, o diktador. Kailangan natin ng isang lider na tatayo sa ating demokrasya, ipagtatanggol ang pangingibabaw ng Saligang Batas at prinsipyo ng rule of law at due process. Hindi madali ito sapagkat may mga kandidato na magpapanggap na tupa kahit mga leon pala sa totoo.
Nandiyan si Leni at Trillanes sa hanay ng oposisyon. Hindi namin alam kung sino ang tatayo sa kanilang hanay. Hayaan natin magtatalak sina Sara, Bong Go, Gordon, Ping Lacson at iba pa tungkol sa kanilang paninindigan sa usapin ng demokrasya. Mahaba pa ang lalakbayin, ngunit maiging matuklasan natin habang maaga kung saan sila tumatayo.
***
MGA PILING SALITA: “This President bears a great deal of the blame. This mob was in good part President Trump’s doing… his responsibility, his everlasting shame. Today’s events, certainly, certainly would have not happened without him.” – Senate Minority Leader Mike Schumer
“The United States and the United States Congress have faced down much greater threats than the unhinged crowd we saw today. We have never been deterred before, and we will be not deterred today. They try to disrupt our democracy, they failed. They failed. They failed to attempt to obstruct Congress. This failed insurrection only underscores how crucial the task before us is, for our republic.” – Senate Majority Leader Mitch McConnell
“To those who strove to tear us from our responsibility, you have failed,” she said. “To those who engaged in the gleeful desecration of this, our temple of … American democracy, justice will be done.” – Speaker Nancy Pelosi
“Those who choose to continue to support his dangerous gambit by objecting to the results of a legitimate democratic election will forever be seen as being complicit on an unprecedented attack against our democracy…They will be remembered for their role in this shameful episode, in American history. That will be their legacy.” – Sen. Mitt Romney