Advertisers
HUMAHAGULHOL na nakikiusap kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ina ng pinatay na flight attendant na tulungan silang makamit ang hustisya.
Ginawa ni Sharon Dacera, ina ng biktimang si Christine “Ica” Dacera, 23, ang apela kasabay ng kanyang pagharap sa isang press conference sa San Juan City.
Liban sa Pangulong Duterte, nanawagan din si Mrs. Dacera sa presidential daughter na isa rin daw ina, si Davao Mayor Sara Duterte, na tulungan sila sa kanilang laban.
Sa kanyang emosyunal na panawagan, sinabi ni Mrs. Dacera, ayaw niyang mangyari sa iba pang babae ang naranasan ng kanyang anak na tinawag niyang “brutal” at “barbaric” ang pagpatay.
Ayon naman sa spokesperson ng pamilya na si Atty. Brick Reyes, kinukuwestiyon nila ang pagpalaya ng PNP Makati sa isa sa mga akusado.
Inamin ni Reyes na pinag-aaralan ng pamilya Dacera kung dapat bang kasuhan din ang City Garden Grand Hotel na pumayag mag-check-in ang mahigit 10 katao na isa umanong paglabag sa patakaran ng IATF.
Ang naturang hotel ay pinagpapaliwanag narin ng DOT-NCR kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang operasyon.
Samantala, iniulat ni Atty. Paolo Tuliao, isa pa sa mga legal counsel ng pamilya Dacera, hinahangad nilang magkaroon ng independent post mortem examination ang bangkay ni Christine sa isang medico legal officer.
Hindi raw kasi sila naniniwala sa initial findings ng PNP SOCO na namatay si Ica bunsod ng aneurysm samantalang may abrasion at hematomas ang biktima sa ilang bahagi ng katawan.
Si Gregorio Angelo de Guzman naman ay lumantad narin, at anak pala ito ng dating jukebox queen na si Claire dela Fuente upang itanggi ang isyu na kasama siya sa nag-abuso kay Christine.