Advertisers
HINDI ko kasanayan ang pagsusulat. Bagkus, ito’y walang puwang sa akin noong pa man panahon ng aking pag-aaral. Isa lang siyang kaisipan sa kadahilanang pag nagbabasa ako ng mga gawang isip na nakatitik para bang may saya sa aking pagkatao.
Hindi ko malimutan ang isang taga sulat ng tula sa pahayagang Balita na may titulong Tilamsik ng Diwa. Aking binibigyan ng oras na basahin ito kahit panakaw na saglit dahil magaan ang dating nito sa akin.
Parang ibig ko lang basahin at wikain ang mga salitang magkakasintunog lalo sa hulihan ng bawat pangungusap na nagbibigay sa akin ng ngisi o ngiti, ngunit hangang doon lang iyon. Maging sa mga laro o gawaing pampaaralan, nariyan ako na nababanggit ng aking saloobin sa mga pinag-uusapang bagay subalit kung sulatan na, wala ka nang maasahan dahil tiyak na lalayo na ako sa gawaing pagsusulat ng mga pinag-usapan.
Hindi ko ito binigyan ng puwang dahil alam kong hindi ko ibig matali sa gawaing naka-upo at ang isip ang siyang pagaganahin. Maging sa panahon ng aking pagtatrabaho nailalabas ko iyong mga ideya na nais kong ipaabot subalit hanggang doon lang iyon. Siguro’y bahagi ito ng aking pagkatao na happy-go-lucky sa buhay at walang bagaheng dinadala sa balikat.
Dumarating minsan sa buhay na may tao kang makakasalubong na gigising sa natutulog mong angking katangian na magbibigay lakas sa iyo upang gawin ang mga bagay na hindi mo masyado pinagtutuunan. Para bang isinugo siya sa iyo na magbubukas pinto sa tunay mong nais.
Siguro, masasabi ko na si Ba Ipe, isang batikan at mahusay na peryodista, ang taong humikayat sa akin upang pasukin ang larangan ng pagsusulat. Talagang kahanga-hanga ang pagiging bukas niya na gisingin at akayin ang tulog kong kagalingan sa larangan ng pagsusulat na parang isang tiyempista sa karera.
Ang pagbibigay ng puwang na sumulat ng opinyon sa usapin ni Mang Juan at ng mga obrero’y isang malaking sugal na kanyang ginawa bilang peryodista at hindi nagpatumpik-tumpik na pasulatin ako sa isang pahayagan. Sa pagtaya niyang ito, kailangan na ilabas sa aking nakatagong baul ang galing upang kahit papaano’y hindi maging kulang sa sukli ang ibabalik sa pagtitiwalang ibinigay.
Sa pagsulat, ibinigay sa akin ang sulatin na malapit sa aking puso’t isip, ang mga usaping bayan at sa mga obrero. Ang sulating ito’y napakalapit sa akin dahil minsan akong naging lider obrero noong panahon na ako’y nanunungkulan pa bilang kawani ng pamahalaan.
Sa simula’y hirap akong masimulan ang isang opinyon na kahit halos nasa isip at diwa ko na’y hinahagilap pa rin ang mga tamang salita at titik na pagsasama-samahin upang maging angkop at masarap sa panlasa ng magbabasa. Hanggang sa kasalukuyan ang tamang salita sa umpisa pa rin ang aking binibigyan ng oras dahil ito ang nagdidikta ng tema sa usapin na tinatalakay.
Mahirap kung mahirap subalit parang tadhana na kusang lumalabas ang ibig kong isulat na mga opinyon. Walang nakakadikta sa aking isip kung ano ang nais kong isulat. At ito ang inam na binigay sa aking laya ni Ba Ipe, na sulatin ang nais kong material na lumalabas na natural sa aking sistema.
Sa pagsulat ng kaganapan na pang-obrero, binibigyan ng batayan na kailangan may pinagmumulan ito at hindi sapat na ang karanasan at kaalaman sa isyu. Nariyan na nakikipag-usap tayo sa mga taong may tuwirang partisipasyon sa isyu na nangangailangan ng suporta na ilabas ang kanilang usapin sa pamamagitan ng pagsulat nito na may malalim na pagkaunawa.
Ang pagnanasa na maisulat ang kanilang usapin sa hanay ay akin ring usapin sa buhay ng may katarungan at dignidad. Walang kapalit ang pagsusulat na ito, ang malayang ipaabot ang usapin sa mga tao’y sapat na kabayaran sa opinyon sa usapin. At ang pagtugon sa usaping isinulat ang siyang insentibo na tama ang aking ginagawa kasama ng mga obrero.
Sa usaping pambansa, isinusulat ko ang mga kaganapang pambansa dahil sa kahalagahan nito sa buhay ni Mang Juan Pasan Krus. Ang usaping bayan mula droga, EJK, korapsyon, kalusugan hangang sa kabuhayan at marami pang iba – ito ang nilalaman ng aking isinusulat. Ang kagalingan nito ang isinasaalang-alang upang mabigyan pansin ng pamahalaan.
Mahalaga na maiparating kahit sa munti natin pitak ang mga hinaing bayan na dapat malaman ni Totoy Kulambo. Sa isang banda, mahalaga rin na makita at magkaroon ng kaalaman si Mang Juan sa lahat ng bagay o mga usapin mula sa pamahalaan para sa tamang pagpapasya. Importanteng makita niya ang mga kaganapan sa pamahalaan ni Totoy Kulambo.
Makita na baon na ang bansa sa utang dahil sa walang direksyon na pamamahala. Walang basehan ang pagnanais nitong manatili sa poder sa ano mang paraan at maging ng kanyang mga kapanalig dahil sa kinasadlakang hirap ni Mang Juan at ng mga apo nitong isisilang pa lang.
Kaya sa aking pagsusulat, umasa kayo na inyong mababasa ang mga usaping bayan at obrero ng walang pagtatangi. Kakalembang ang Batingaw upang ipaalam ang mapayapa at malayang adhikaing bayan.
Maraming Salamat po!!!
***
dantz_zamora@yahoo.com