Advertisers
MAY “maitim na balak” laban kay Cavite PNP Provincial Director, Col. Marlon Santos ang dalawang lider ng sindikato sa kalakalan ng droga na nagpapatakbo din ng iligal na pasugal sa lalawigan ng Cavite para mapag-initan ito ng mga nakatataas na pinuno ng PNP at tuluyang masibak sa kanyang puwesto.
Ito ang nakakagulat na rebelasyon ng ating police insider na pinangalanan din ang dalawang notoryus na drug pusher na sina alias Zalding Kombat at alias Caloy Kolanding na kapwa nagpapakana na ipasibak bilang Cavite Provincial Director si Col. Santos sa lalong madaling panahon.
Sina Kombat at Kolanding ang nagdala sa Cavite ng bangkero sa jueteng na si alias John Yap at ng katiwala nitong si Alvaran na kilala din sa kanyang alias Jun Moriones ng Tondo, Maynila.
Bilang kapwa iligalistang sakla operator sa halos lahat na siyudad at bayan sa Cavite, sina Kombat at Kolanding ang pinamahala nina Yap at Moriones sa pamumudmod ng intelhencia o suhol sa local government units (LGUs), provincial government official, ilang matataas na PNP official sa Region 4-A at ilang pili na mamamahayag.
Ngunit sina Kombat at Kolanding na din ang palihim na nagtitimbre ng nagaganap na suhulan sa hanay ng local at provincial police official at maging sa ilang media kaya nabunyag ang matagal nang operasyon ng drug trade at Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng sa Cavite.
Ibinunyag din nina Kombat at Kolanding sa mga police, government official at ilang mediaman na hind kasali sa kanilang payola, ang nangyayaring korapsyon sa kalakaran ng iligal na pasugalan at bentahan ng shabu na unang nag-operate sa Cavite City, Gen Trias City, Bacoor City, Trece Martirez City at mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo at Maragondon.
Kaya naman agad na pinutakte ng kaliwa’t- kanang pagbatikos ng ating mga katotong mamamahayag at maging sa social media sina Col. Santos at PNP Regional Director, PBG Felipe “Pikoy” Natividad nang madiskubreng laganap na ang kalakalan ng shabu at jueteng sa lahat na siyudad at bayan sa Cavite.
Naging sentro din ng pagtuligsa ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal. Sina Yap at Moriones ang nagpapatakbo din ng bentahan ng droga at jueteng sa probinsya ng Rizal.
“Kusa pong gumawa ng intriga sina Kombat at Kolanding, ibinulgar nila sa mga di nila kapanalig at wala sa kanilang payola na media ang operasyon nina Yap at Moriones sa Cavite para magkaroon ng malaking isyu laban kay Col. Santos, may mina-manok silang dalawa ( Kombat at Kolanding) na police colonel na aspiranteng papalit kay Col. Santos sakaling maipasibak nila ito sa kanyang pwesto”, ang pagsisiwalat pa ng ating source.
“Sina Kombat at Kolanding ay naghahangad na makopo ang pagiging intelhencia kolektor kapag naluklok na ang papalit kay Col. Santos na bagong PD sa Cavite, sa gayon ay sila ang magdidikta kung sinu-sino ang papasukin nila na mga bangkero ng sugal at drug lord sa Cavite”, ayon pa sa ating police insider.
Hindi na kataka-taka na sa kabila ng natatangi nitong nagawa para sa pangangalaga ng peace in order sa Cavite sa looban ng mahigit na isang taon nitong panunungkulan ay umaani pa rin ng mga pagbatikos si Col. Santos.
Ang hindi nga nito alam ay may dalawang kobra sa katauhan nina Kombat at Kolanding ang tumutuklaw sa kanyang likod.
Samantala isang alias Menong naman na nagpapakilalang “bagman’ ang gumagasgas sa pangalan ni Cavite Governor Junvic Remulla.
Si Menong na kilala din sa alias Mayor ay lingguhang kumokolekta ng milyones na intelhensya o suhol mula sa operasyon ng pajueteng at drug trade sa Cavite para sa pangalan ng gobernador, ngunit di naman malinaw kung nakakarating ito kay Remulla.
Baka naman kaya tahimik si Remulla sa mga kabalbalan nina Yap, Moriones, Kombat at Kolanding sa kanyang lalawigan ay may nangyayari ngang himala? Ngunit alam na alam naman marahil ni Remulla ang kawikaan na “silence means guilt”?
Bilang pinakamataas na pinuno naman ng PNP CALABARZON, tigilan na sana ni Gen. “Pikoy” ang nakaiiritang direktiba nito na “No take Policy,” sa kanyang mga tauhan, kung sila din naman ang lumalabag sa polisiyang ito?
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.
WANTED: HENERAL NA WAWASAK SA ILIGAL!
MULI ay bigyang puwang natin ang mensahe ng ating masugid na tagasubaybay.
Nakakasawa na po ang mga balita sa mga iligalista. Imposible na mawala yan hangga’t maraming mga pinuno ng PNP e mga patay-gutom sa pera. Di pa ipinanganganak ang heneral na wawasak sa mga hayup na iligalista. Mawawala tayo sa mundo, andyan pa rin sila. Pero napakaganda na rin ng ginagawa mo na paglalantad ng mga kawalanghiyaan sa Cavite para malaman ng mga mamamayan . Kayo ang mata at boses ng mga mamamayan. JUAN PO.