Advertisers
PATULOY na makikipagtulungan si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kasamang mambabatas para sa mabilis na pagpapasa ng priority measures, partikular ng mga sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng sesyon ng Senado.
“Sa patuloy na paglilibot ko kahit saan mang lugar, naging malinaw sa akin kung ano ang tunay na mga hinaing ng mga Pilipino. Ang mga isinumiteng panukala ay naglalayon na matugunan ang mga pang araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino at maibigay ang serbisyong dapat nila matanggap mula sa gobyernong nagmamalasakit sa kanilang kalagayan,” ayon kay Go.
Noong December 28, inilabas ni Senate President Vicente Sotto III ang listahan ng 20 priority measures o common legislative agenda na tinukoy kapwa ng Houses of Congress.
Walo sa mga tinukoy ay pawang inihain ni Go, kabilang ang panukalang batas na magtatatag sa Department of Overseas Filipinos.
Inihain ni Go ang Senate Bill No. 1949 noong December 14, 2020 na agad namang sinertipikahang “urgent” ng Pangulo. Layon nito na maisaayos ang paghahatid ng government services at programs sa Filipino overseas sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa iisang ahensiya sa lahat ng government functions na may kinalaman sa overseas employment at migration.
Ipaprayoridad din ng Senado ang pagtalakay sa pagbabalik ng death penalty. Naghain si Go ng SBN 207 noong 2019 na layong buhayin ang capital punishment sa heinous crimes na may kinalaman sa illegal drugs at plunder.
Kabilang din priority list ang SBN 1738 o ang E-Governance Act na iniakda ni Go para maisaayos ang paghahatid ng public services sa pamamagitan ng pag-aalis ng red tape sa national at local governments na siyang humahadlang sa maliliit na negosyo upang umunlad at makalikha ng trabaho.
Maging ang Military and Uniformed Personnel Services Separation, Retirement and Pension Act, na inihain ni Sen. Go noong 2020 ay prayoridad ding maipasa sa Senado. Ang SBN 1419 ang lulutas sa mga concern sa kasalukuyang pension at retirement pay ng men and women in uniform.
Inihain din niya ang SBN 1451 noong nakaraang taon na ang layo’y magtatag ng Medical Reserve Corps na bubuuin ng mga may degrees sa health-related fields pero kinakailangang kumuha ng professional licenses para makatulong sila sa pagresponde ng gobyerno sa panahon ng emergencies.
Si Go rin ang naghain ng panukala, SBN 203, na ang pakay ay mabigyan ng accessible housing services ang mahihirap. Tinawag na National Housing Development, Production and Financing Act, lilikha ito ng matibay at abot-kayang housing finance system at low-cost housing production.
Siya rin ang nagpakana ng SBN 1411 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act na aamyenda sa Republic Act No. 8972, kilala bilang Solo Parents’ Welfare Act of 2000.
Ang nasabing batas ang magpapagaan sa bigat na dinadala ng 14 million solo parents kung mabibigyan sila ng karagdagang benepisyo at prebilihiyo gaya ng special discounts, tax amnesty o reduction sa real estate o inheritance taxes, at basic personal exemption sa individual income tax na halagang P50,000 bilang dagdag sa existing exemption na tinatamasa ng solo parent para sa kanilang mga anak.
Ayon kay Sen.Go, patuloy niyang isusulong sa Senado ang iba pang panukala na magbibigay katuparan sa ipinangako ni Pangulong Duterte na bibigyan ng komportable at maayos na buhay ang bawat Filipino.
“This pandemic is far from over. As we overcome these challenges, we will make sure that not a single Filipino is left behind on the path to recovery,” ani Go.
“Patuloy akong magsisilbing tulay sa Pangulo at sa gobyernong ito para mabigyan ng boses at mabigyang kasagutan ang mga hinaing ng mga ordinaryong Pilipino,” dagdag niya.
“Para sa amin, walang tulog ang serbisyo lalo na sa oras ng inyong pangangailangan. Kahit anumang problema ang inyong hinaharap — nasunugan, tinamaan ng lindol, apektado ng pagputok ng bulkan, nabahaan, lahat ng klaseng krisis — handa akong tumulong at maserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya,” ayon sa senador. (PFT Team)