Advertisers
NASAWI ang 10-anyos na bata sa pagsabog ng LPG (liquefied petroleum gas) tank sa Sub-Purok Bliss, Purok Reloquemas, Barangay Poblacion, Norala, South Cotabato.
Kinilala ang nasawi na si Jeffren John Cabuhay.
Sugatan naman ang limang kasapi ng pamilya nito na sina Nelfren Fanuga Cabuhay, 40; Geralden Antoy Cabuhay, 39, kapwa balloon vendor mula sa Purok Santos, Barangay Zone 3, Koronadal City; Aldrin Antoy Cabuhay; at Tanya Emerson, kapwa 10-anyos; Clue Antoy Cabuhay, 8.
Sa ulat, 9:00 ng umaga nitong Linggo nang mangyari ang pagsabog.
Ayon sa report, nilalagyan ng hangin/helium ng mga biktima ang kanilang mga panindang lobo gamit ang LPG tank sa Rapista residence nang aksidenteng sumabog.
Ayon sa nakakita, isa sa mga biktima ay naghahalo ng chemical solution at inilagay sa LPG tank habang pinapalobo nila ang mga pambenta at hindi na sila nakalayo pa.
Kaagad pang dinala sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Jeffren sa Norala District Hospital.
Ini-refer naman sa South Cotabato Provincial Hospital ang limang iba pa.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog.