Bagong COVID-19 strain nakapasok sa Sabah: Health protocols, travel restrictions, mas hihigpitan — Bong Go
Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na posibleng lalo pang higpitan ang health protocols at travel restrictions sa bansa matapos kumpirmahin ng Malaysia na may natukoy na bagong COVID-19 strain samples sa Sabah state.
“Baka lalo pa nating paigtingin, istriktuhan pa ang entry, lalo na’t ngayon lang ito lumabas ‘yung sa Sabah,” ayon kay Go.
“Baka pag-usapan po ng ating Pangulo with IATF and more than twenty medical experts, ipapatawag at papakinggan ng Pangulo. Itong mga experts ang nakakaalam at makakatulong sa (pag-address sa ) new strain na ito,” aniya pa.
Sinabi ni Go na kumunsulta na si Sulu Governor Abdusakur Tan sa IATF kung paano o ano ang gagawin upang hindi makapasok sa lalawigan ang nasabing virus lalo’t napakalapit lang ng Sulu province sa Sabah.
“Ngayon ay nananawagan si Governor Tan sa IATF na tulungan sila sa anong gagawin matapos mabalitaan na may new strain sa Sabah, dahil 29 hours via boat lang po ang Sulu at marami ang pumapasok d’yan sa likod,” ang paliwanag ni Go.
“So, maging istrikto pa tayo at bantayan ang coastal areas dahil ‘di natin makakaya na magkaroon pa ng ganitong kaso. Nahihirapan na nga tayo, panibagong health protocols na naman ang gagawin kung sakaling totoo itong new strain,” ayon sa senador.
Batay sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) Resolution No. 90, ipinaliwanag ni Go na maging ang transiting passengers mula sa U.K. ay kinakailangang sumailalim sa travel restrictions at mahigpit na quarantine protocols.
“Ito po, pursuant to the IATF reso, nag-decide po ang Pangulo na magkaroon ng travel ban from U.K. including Filipinos. [This applies] to travellers who visited U.K. or [are] merely passing through U.K.,” ani Go.
“Ibig sabihin, kahit dumaan ka lang doon, istrikto na ang quarantine protocols na gagawin kapag nakadaan ka sa U.K,” sabi pa niya.
Ipinayo ng mambabatas na na maging handa ang bansa sa bagong COVID-19 strains na isang panibagong kumakalat na sakit.
“Bago po itong sakit na COVID-19. Habang may napapabalitang new strain, panibagong pag-aaral na naman ng health experts, ‘di lang dito sa ating bansa,” sabi ni Go.
“One step at a time tayo, mabuti nang handa tayo, pinag-aaralan po ang lahat. Uunahin po natin ang kapakanan ng bawat Pilipino sa magiging desisyon,” dagdag niya.
Nabatid na ang bagong COVID-19 strain ay nagdulot ng muling paglobo ng infections sa United Kingdom, upang isara ang lahat ng borders sa naturang bansa.
Maging ang mga bansa na gaya ng Singapore, Israel, Hong Kong, Australia, Denmark, Italy, Gibraltar at Netherlands ay may naiulat nang unang kaso ng bagong strain.
Kaya naman hinimok ni Go ang publiko na mahigpit na sundin ang kinakailangang health protocols habang isineselebra ang holidays.
“Kasama natin ang ating pamilya, pero wala munang parties dahil delikado pa po habang wala pa pong vaccine, no time to celebrate, ‘wag muna tayong mag-celebrate, ang importante kasama natin ang pamilya sa isang bahay,” ayon kay Go. (PFT Team)