Advertisers
Ilang araw bago ang Pasko, inihabol ng pangasiwaan ng Quinta Market and Fishport ang pagpapailaw sa pamilihan nitong Lunes ng gabi.
Sa hudyat ng pagbubukas ng ilaw, ang tatlong palapag na modelong pamilihan ng Maynila ay nagkulay asul sa mga palamuting ilaw na hinaluan ng mga puting ilaw ng mga parol.
Ayon sa pangasiwaan ng Quinta market, kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Maynila sa inisyatibo ng Marketlife, at Manila LGU bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kapaskuhan.
Ayon kay Ginoong Niño Robles, ang General Manager ng Marketlife na nagpapatakbo ng Quinta Market, ngayong taon lang ito sinimulan at gagawin na tradisyunal tuwing Pasko.
Sinabi pa nito na sa kabila ng pandemya nais nilang ipadama na dapat laging may pag-asa.
Kaugnay nito, namigay ng aabot sa isang libong food at gift packs sa mga residente ng Quiapo, partikular na ang mga nakatira sa Brgy. 306 at 384.
Sa pamamahagi, mahigpit na sinunod ang health protocols na ipinatutupad ng IATF gaya nang pagsusuot ng facemask, faceshield at pagpapanatili ng physical distancing.
Sinaksihan naman ni Manila City Admin. Felixberto Espiritu at ang may-ari ng Quinta Market na si Architect Ralph Tecson, mga barangay official at mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang nasabing aktibidad.