Advertisers
HINDI kami makapaniwala sa aming mga narinig sa muling pagharap ni Rodrigo Duterte sa telebisyon noong Lunes ng gabi. Umuusok sa galit si Duterte dahil walang awang pinatay ni P/Sgt Jonel Nuezca ang mag-inang Sonia at Anthony Gregorio. Nagbitiw siya ng mga maaanghang na salita laban sa pulis, bagaman hindi siya dapat sineseryoso.
“May sakit ito sa utak, topak… I was wondering why…nakalusot ito sa neuro…Tarantado yung gago na iyon… Do it right and I will give, do it wrong and there will be hell to pay,” ani Duterte. “Their actions should be in accordance with the law,” aniya.
Inamin ni Duterte na napanood niya ang video ng pamamaslang. Mukhang nabulabog siya sa nasaksihan. Hindi namin alam kung matatawa o maiiyak kami sa pahayag ni Duterte. Biglang nagsalita si Duterte tungkol sa pangingibabaw ng batas. Isang bagay na hindi ito naririnig sa kanya sa apat at kalahating taon ng kanyang panunungkulan.
“Pero kayong [mga pulis] na mga may sakit, mga may topak, I am sure that by now, he should not be allowed to go out because double murder ‘yun… Double murder is a serious offense, a grave offense,” ani Duterte. “I don’t think you can escape the rigors of justice… Pati ako napanganga,” aniya.
Boladas ang lumabas sa bibig ni Duterte. Ipinagpuputok ng kanyang butse na nakunan ng video ang pagpatay sa mag-ina. Ikinagagalit niya na naging viral ang patayan. Malaking batik sa reputasyon ng PNP ang patayan. Hindi ito basta malilimutan ng sambayanan.
May ibang pananaw ang mga netizen. Ayon sa kanila, makakalusot si Nuezca sapagkat mismong si Duterte ang nagbigay ng tip. Huwag magtaka kung igiit ng trigger happy na pulis ang plea of insanity. Sa madaing salita, pansamantalang nawala ang katinuan ng kanyang pag-isip
May isinulat si Ba Ipe sa kanyang account sa social media:
SA TOTOO LANG …
For the Madman, Jonel Nuezca fault was he had violated the 11th Commandment: “Thou shalt not get caught.” Sa Tagalog, Okay lang ang pumatay, huwag ka lang magpapahuli.
It has a continuation: Because you were caught, I urge you not to violate the 12th Commandment: “When caught, thou shalt not admit.” Sa Tagalog, huwag kang aamin.
It has a continuation: If ever you’ll go to the court, don’t violate the 13th Commandment: “When admitting your crime in court, don’t be a snitch.” Sa Tagalog, huwag kang magsasabit. At huwag mong isasabit si Duterte na nang-enganyo sa inyo na umabuso at pumatay. Bahala ka sa sarili mo.
***
PAGSUSURI sa budhi – ito ang panawagan sa gobyernong Duterte. Isang matinding dagok ang patayan sa Tarlac sa reputasyon ng kanyang gobyerno. Hindi kaagad makakabawi ang kanyang pamahalaan. Sobrang naging viral ang video. Nasaksihan ng maraming mamamayan sa buong mundo ang walang kabuluhang patayan.
Hindi nalalayo ang krimen sa mga ibang high profile crime na naging laman ng media mahigit 25 taon na ang nakakalipas. Naaalala pa ba ninyo nang barilin ni Rolito Go si Elmer Maguan dahil sa trapiko? O ng hatulan ng pagkabilanggo si Antonio Sanchez, alkalde ng bayan ng Calauan sa Laguna, at ang kanyang mga alipures dahil sa panggahasa at pagpatay kay UPLB student Eileen Sarmenta at kaibigang lalaki?
Kailangan itanong ng liderato ng PNP kung papayag sila na masira ang institusyon sa mata ng sambayanan. Ngayon kilala ang PNP bilang “Patay Ng Patay.” Hindi kinikilala ang PNP bilang isang matinong institusyon na pinatatakbo ng mga matinong lider.
***
BATAY sa nalathalang salaysay ng isang saksi, binaril ng pulis ang mag-ina matapos makisali ang 12-anyos na anak ng pulis. Maski sa umikot na video, nakitang sumisigaw ang anak. “my father is a policeman,” aniya. Sumagot ang ina: “I don’t care eh eh eh e.” Mukhang dito nagpanting ang tainga ng pulis at kagyat na binaril ang ina at anak.
Mukhang matinding trauma ang aabutin ng anak. Ngunit kahit anong pilit ay hindi namin magawang maawa sa kanya. Mukhang kinalakihan niya na gimigitna sa dalawang pangkat ng grupong ng mga halang ang kaluluwa na pinamumunuan ng kanyang nanay at sa kabilang grupo, ng kanyang tatay na nagpapatayan. Mukhang karaniwan na lang sa kanya ang may nakikitang may kinakatay sa harap nya. Malamang ganoon sila sa loob ng kanilang tahanan.
Ayon sa awtoridad, nilagnat ang bata noong Lunes ng gabi. Hindi lang ang pulis ang masisira ang buhay; maski ang bata ay mahihirapan bumawi. Tiyak apektado ang anak. Hindi na siya lalaki ng normal. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natitinag ang bata. Panay pa ang post sa social media na tila naninisi pa ng iba.
Hanggang ngayon hindi namin maintindihan kung ano ang pumasok sa utak ng pulis. Mistula siyang pumatay ng manok. Walang isip-isip. Basta binaril niya ang mag-ina. Ayon sa ulat, naglakad si Nuezca na parang walang nangyari. Sumakay ng motorsiklo at umalis.
Bukod sa matinding counseling na ibibigay sa anak, maigi na rin sumailalim ng pagsusuri ang institusyon ng PNP. Tingnan mabuti ang mga dahilan ng disiplina ng mga pulis. Ngunit mainam pag-aralan ang epekto ng mga salita ni Duterte na nagsilsilbing panghihikayat upang lumabag sa karapatang pantao. Hindi ito PNP ng isang gobyernong sibilyan. Nagmukhang Gestapo ni Adolf Hitler. Kasumpa-sumpa.
***
MGA PILING SALITA: “We must tirelessly demand for accountability, and an end to impunity! Human rights lawyers, defenders, are also vilified and targeted by reprisal for fighting for justice and standing with the victims of police killings and other HR violations.” – Sarah Elago
“Tinawag niya ang pulis na ‘may topak.’Eh ano siya? Siya ang nag-enganyo sa mga pulis na umabuso. Katawa-tawa. Siya ang may topak.” – PL, netizen
“Biglang naging disipulo ng karapatang pantao si Wangbu nang makita ang video ng pulis na pumatay ng mag-ina. Katawa-tawa.” – Archie dela Cruz, netizen
“Mga bagay na hindi isolated incidents sa Pilipinas 1. Police brutality 2. Corruption 3. Impunity 4. Red-tagging 5. Fake news at disinformation.” – Renato Reyes, aktibista, netizen
“Tama naman na huwag lahatin ang pulis. Marami namang matino. Ang tanong, ano na ba ang nagawa nila para mapatino at mapanagot ang mga gago nilang kasama? Hindi naman kasi puwedeng nag-i-enforce ka nga ng batas pero nakatingin ka lang habang nilalabag ito ng mga kasama mo, di ba?” – Carlos Conde, mamamahayag, mananaliksik sa usapin ng karapatang pantao, at netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com