Advertisers
NAPANOOD ko ang video, napakinggan ko ang interview sa kaanak ng mga biktima. Napabuntong hininga nalang ako. Napailing. Sabi ko sa aking sarili, napakalupet na ng mga pulis ngayon, sobra!
Oo! Viral ngayon sa social media ang in-upload na video ng pamamaril ng isang pulis, Corporal Jonel Nuezca, sa mag-inang Sonya Gregorio, 52-anyos; at anak na si Frank Anthony Gregorio, 25, sa Purok 2, Barangay Cabayaosan, Paniqui, Tarlac. Nangyari ang pamamaril 5:10 ng hapon ng Linggo mismo sa bahay ng mag-ina.
Ang demonyong si Nuezca ay dayo lang sa lugar, pero nandun ang kanyang pamilya nakatira. Nakatalaga ang gagong ito sa crime lab (SOCO) ng Parañaque City Police, Metro Manila.
Makikita sa video na malapitang binaril ni Nuezca ang mag-ina. Una niyang pinutukan sa ulo ang ina, sinunod ang katabi nitong anak, ay pinutukan uli ng 2 beses ang ina. Ginawa niya ito sa harap ng maraming tao at sarili niyang anak na babae na menor de edad.
Matapos ang pamamaril, parang wala lang na naglakad papalayo sa crime scene ang mag-ama, sabi ng source.
Ito ay gawain ng halang ang kaluluwa. Sa nakalap kong impormasyon, si Nuezca ay naharap na sa maraming kasong kriminal at administrative tulad ng Grave Misconduct (Homicide) ng da-lawang beses noong 2019; Serious Neglect of Duty (2016); Less Grave Neglect of Duty (2014); Admin case-Grave Misconduct (2013); at nasuspinde ng 10 days (2016); at nasuspinde rin ng 31 days noong 2015 dahil sa pagtangging sumailalim sa drug test. Adik yata ang animal.
Ayon sa kaanak ng mga biktima na siyang may kuha ng video, nagsimula ang lahat nang magpaputok ng “boga” o “kanyon”, PVC na nilalagyan ng butane gas at sinisindihan para pumutok, na ginagawa sa mga probinsiya tuwing nalalapit ang Bagong Taon.
Kapitbahay lang kasi ng mga biktima ang buang na pulis. Marahil ay naingayan daw ito kaya’t sinugod nito si Frank at sinapak. Inawat ng ina ang pulis, niyakap ang walang kalabang-labang anak para maprotektahan sa dagdag na pananakit pa ng pulis.
‘Yung batang anak ng pulis na babae ay nakipagmurahan din daw. Isinigaw pa nitong “My father is a policeman!” Sumagot naman si Sonya na: “I don’t care, nye nye nye…” Dito biglang pinutukan ng pulis si Sonya sa ulo, sinunod si Frank na binigyan din ng isang putok sa ulo, at pinutukan uli ng 2 beses ang nakabagsak nang si Sonya. Tapos umalis na ang mag-amang demonyo na parang walang nangyari.
Kinagabihan, sumuko ang buang na pulis sa Pangasinan Police Station.
Kuwento pa ng kaanak ng mga biktima sa interview ni Noli de Castro ng DZMM Teleradyo, mayabang daw talaga itong Cpl. Nuezca. Kagalit daw nito halos lahat ng kapitbahay.
Ayon sa ulat, bago ang madugong pangyayari, si Cpl Nuezca ay pina-barangay sa iyu ng “right of way”. Ayaw raw niyang padaanin ang mga tao mula sa looban na walang ibang madaanan kundi sa tabi ng bahay niya. Naayos naman ang isyu sa barangay.
Sa ginawang ito ng buang na pulis, malamang na mabulok siya ng dalawang beses sa kulungan. Double Murder! Ito ay kung hindi makipag-ayos ang pamilya ng mga biktima.
Sinayang lang ni Cpl Nuezca ang kanyang pagkapulis. Ang hirap maging pulis tapos magwawakas lang dahil sa kayabangan.
Tama lang kay Nuezca na mabulok sa hawlang bakal! Ewan lang din kung anong nararamdaman ngayon ng maldita niyang anak na magpapasko na nasa kulungan ang kanyang ama na malamang na masibak sa serbisyo at mabulok sa kulungan.
Sa mga nabiktima ni Cpl. Nuezca, magsama-sama na kayo sa pagdiin sa buang na pulos na ito.
Merry Christmas po sa ating lahat.