Advertisers
Seryoso ang LA Lakers sa pagdepensa ng kanilang titulo ngayong season na magsisimula bukas. Ay teka, hindi lang pala makopo ang korona sa susunod na taon kundi maka-3 peat o higit pa.
Una hindi sila nakontento sa line-up na nagwagi sa Disney bubble. Pinalakas pa ito. Dinagdag sina Sixth Man of the Year na si Montrezl Harrell at ang runner-up na si Dennis Schroder. Kinuha rin ang dating Defensive Player awardee na si Marc Gasol.
Nabingwit din sina Wesley Matthews at Alfonzo Mckennie.
Tapos pinapirma ng mga contract extension ang dynamic duo na sina LeBron James at Anthony Davis. Nitong isang araw pati ang malaki ang potensyal na si Kyle Kuzma ay pinalagda rin ng tatlong pang kasunduan.
Bagama’t nabawasan ang shot-blocking ability nila sa pagkawala ng dalawang higante na sina Dwight Howard at JaVale McGee ay nag-improve ang shooting nila. Bukod diyan ay bumata pa sila.
Naniniwala rin si Pepeng Kirat na hindi pa matutulog nang mahimbing ang GM nilang si Rob Pelinka. Pwede pa sila makabingwit ng isang sentro sa veteran minimum. Yan daw kasi nakikita niyang kulang pa sa LAL.
“Kapag na-solve nila yan, kumpletos recados na sila, ready to roll for a repeat,” eka ni Pepe.
Sang-ayon tayo kay Kirat. Kayo ba?
***
Samantala sa PBA ay pinag-aaralan pa kung bubble ulit o closed circuit ang gagawing sistema sa susunod na season sa Abril.
Sabi ni Commissioner Willie Marcial ay baka mas maigi na ang istriktong gym/venue at bahay lang ang mga players kaysa bumalik sila sa Clark. Parang ganoon na gagawin ng NBA ngunit may biyahe pa sila para sa home and away format.
Maaari ring sa Metro Manila na gaganapin ang mga game at sa isang hotel muli titira ang mga kasapi ng koponan. Yan naman ang palagay ni Coach Yeng Guiao ng NLEX. Posible raw sa Araneta Coliseum lahat ng laban at sa katabing Novotel sila mamamalagi. Pero sa sari-sarili nilang practice place pa rin ang mga ensayo.
May sapat pang panahon na masusing tingnan ang mga suhestiyon bago magdesisyon ang PBA Board of Governors.
Baka may bright idea kayo mga dear reader?