Advertisers
“WHEN we say no, it’s a no.”
Ito ang binigyang diin ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng panawagan na huwag magpadala o maniwala sa mga ‘organizers’ ng mga events na nagsasabing hindi sila mahahawa ng COVID-19 kapag sumali sila.
“Wag kayong maniwala sa mga tolongges na okay na tayo. Maaaring okay sa numero pero meron pang panganib at pangamba. Wag maniwala sa mga organisasyon na nagbibida-bida at isasama pa kayo sa kapahamakan.. sama-sama, dikit-dikit, talsikan ng laway sa bawat mukha nyo. ‘Wag kayo naniniwala dun,” ayon kay Moreno.
Umapela ang alkalde sa lahat na huwag balewalain ang COVID-19 at huwag na huwag makampante, laging sumunod sa itinakdang health protocols at magsariling disiplina.
Nagtataka si Moreno kung bakit sa napakaagaang panahon ay may mga taong abala na sa pag-o-organized ng mga events tulad ng fiesta para sa susunod na buwan.
“Dalawang malaking kapistahan kapistahan sa Enero pa, pino-problema na natin di pa nga tapos ang Disyembre. Sa mga organizer, ‘wag nyo bibiruin si COVID- 19.. ‘wag na ‘wag dahil ni kami o sinuman dito, walang makapagbibigay ng garantiya na ligtas ang kapwa nating sumasampalataya o nananalig,” ayon pa alkade kasabay ng pagiit nito na may tamang oras para sa lahat.
“Sa mga organizer, me panahon ang bawat bagay. I hope they’re getting our message. When we say no, it’s no. Patawarin nawa ako ng Diyos pero kaligtasan ninyo ang pangunahing tinutugunan ng polisiyang it,” sabi ni Moreno.
Bilang alkalde, idinagdag ni Moreno na ang tanging hangad niya sa mga taga-Maynila ay maging masaya pero may higit na pangangailangan pa ang pamahalaang lokal at ito ay tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng mamamayan kontra sa nakamamatay na virus.
Sa kasalukuyan ayon kay Moreno,ang Maynila ay may 352 active cases kung saan lima ang nasawi, 23,000 ang matagumpay na gumaling. Idinagdag pa nito na dapat na bantayan din ang posibleng epekto ng malamig na panahon ngayong holiday season sa coronavirus.
“Kaya nakikisuyo ako, ‘wag tayong bibitaw. Kapit lang at ‘wag natin ipariwara ang pinaghirapan na ng ilang buwan. Maraming nawala, umiyak, nalungkot at naghihirap. Tiisin na lang natin ng konti pa, at ang disiplina sa sarili ay patuloy dapat na umiral araw-araw,” sabi pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)