Advertisers

Advertisers

Buking ang P28-B singit sa 2021 national budget

0 757

Advertisers

MAYROONG nadiskubreng kababalaghan sa 2021 National Budget.
Sinabi ni Senador “Ping” Lacson, ang Vice Chairman ng Senate Committee on Finance, na malamang i-veto ni Pangulong Rody Duterte ang 2021 National Budget dahil sa aniya’y “excessive insertions” na ginawa ng Kamara rito. Lupet!
Ibinunyag ni Lacson sa virtual press briefing na mayroong P28 BILLION idinagdag ng mga kongresista sa budget ng DPWH. Kinukulit na nga ni Lacson ang pagsasapubliko kung saang mga distrito at kung kani-kaninong kongresista napunta ang idinagdag na pondo sa DPWH budget.
Ang masakit pa nito, sa AFP modernization program ng Dept. of National Defense kinaltas ang P8-B. Tapos tinapyasan din ang budget ng DICT na nauna nang dinagdagan ng Kamara at Senado ng P5B dahil P900M lamang ang orihinal nitong pondo. Ngayon ay umaabot na lamang sa P1.9M ang budget ng DICT na matinding hamon pa naman ang hinaharap sa kanilang internet roll out dahil sa panahon ng pandemya at online learning.
Sa pagtalakay ng Senado sa bicam report ng budget, inamin mismo ni Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara na baka masakripisyo ang buong 2021 national budget at hindi ito maipasa kung hindi mapagbibigyan ang ginawang insertions ng mga kongresista.
Una nang binuking ni Lacson na P620M ang pinakamaliit na budget na napunta sa mga kongresista, P15B naman ang pinakamaking budget na napunta sa isang distrito sa Davao. Karamihan sa mga nakinabang ay mga kabarkada at kaalyado ni Speaker Lord Allan Velasco. Tsk tsk tsk…
Hindi pumirma si Lacson sa bicam report ng budget dahil hindi aniya malinaw kung saan mapupunta ang P28B insertion sa DPWH. Aniya, nasasayang lang ang pagpupuyat at pagpapagod nila sa pagtalakay ng budget dahil binabago naman ito sa pulong ng bicam na hindi nalalaman ng publiko. Araguy!
Tandaan: Karapatan nating lahat na malaman kung paano pinoproseso ang budget at kung saan ito gagamitin dahil ito ay pera natin. Oo! Nagmumula ito sa buwis na ating ibinabayad sa gobyerno. Kaya karapatan nating malaman kung anong mga proyekto ang popondohan ng mga ito dahil baka sa bulsa lamang ng mga mambabatas ang pasok nito lalo at eleksyon na sa 2022.
Parang masasayang lang ang pinaghirapan ng Kamara at Senado na pagsasabatas sa Bayanihan 1 at 2 para tugunan ang dagok ng pandemyang COVID-19.
Sabi ni Lacson, hindi “responsive” sa tawag ng panahon ang 2021 national budget dahil mas inuna pa ng mga kogresista ang alokasyon ng mga pondo sa planong pagpapagawa ng mga covered court kaysa isipin ang mga programa na kailangan ng ating mga kababayan ngayong may pandemya.
Kaya yung sinasabi ng gobyerno na “reset, rebound, recover” na layunin ng 2021 nat’l budget ay tagilid sa ating pananaw. Kasi nga itong mga kongresista hindi manlang nila naisip na sandamakmak nang bakuna sa COVID-19 ang mabibili ng P28B na isiningit nila sa DPWH budget. Ang COVID-19 mass vaccination ay umarangkada na sa United Kingdom at Russia. Susunod na ngayong linggo ang US, Canada, Mexico, Bahrain at Saudi Arabia. Oo nga at sinasabi ng Pangulo na may sapat na pondo para sa pagbili ng bakuna, bakit hindi manlang inisip ng ating mga kongresista na kusang tumulong sa gobyerno? Yun manlang ginamit sana nila na pondo para sa mga covered court ay inilaan na lamang para pambili ng mga bakuna para mas maraming Pilipino ang maligtas sa coronavirus. Mismo!
Di na tayo magtaka kung bumulusok na naman pababa ang trust at approval rating ng kamara na pinagsikapang itaas ng nakaraang house leadership ni Alan Peter Cayetano. Kasi itong kasalukuyang leadership ni Spkr. Velasco maagang preparasyon sa eleksyon ang inuuna sa halip na paigtingin ang paglutas sa mga problemang idinudulot ng COVID-19. Minsan, isipin nyo naman ang mga taong inyong pinagsisilbihan at hindi ang inyong sariling kapakanan. Buset!