Advertisers
KINUWESTYON ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukala o pangungunahang peace talks ng opisina ni Vice President Leni Robredo.
Kinuwestyon ng senador ang kapangyarihan o awtoridad ng Office of the Vice President sa usapang pangkapayapaan sa pagsasabing si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines.
“Ang tanong dyan, ano ba ang authority ng OVP when it comes to peace talks? Tandaan natin ang Presidente po ang commander-in-chief ng buong AFP. Kung makipag-usap po sila doon at di naman po sumunod, what’s the use of it?,” sabi ni Go.
Idinagdag ni Go na anoman ang maging aksyon o resulta ng isinusulong na peace talks, magiging kuwestyonable ang legitimacy nito dahil ang kapangyarihan ng kautusan sa AFP ay nakasasalay sa President.
“Kaya nga po ang tanong ko, kung ano ang mapagkasunduan nila, sino ang susunod? Susunod ba ang AFP? Kasama ba ito sa chain of command?,” ayon kay Go.
Muling iginiit ni Go na hindi dapat nasasakripisyo ang buhay ng sinoman sa ginagawang paghahasik ng dahas ng New People’s Army.
“Ako naman mismo, personally, ayoko nagpapatayan ang mga Pilipino sa kapwa Pilipino. Kung may namamatay na sundalo, nauulila ang pamilya. Pag may namatay sa kabilang panig, nauulila rin ang kanilang pamilya,” ani Go.
“Sino po ang kawawa? Pilipino pa rin. Walang katapusan ito pag idadaan n’yo sa armed struggle,” ayon sa senador.
Samantala, idinepensa ni Go ang Philippine National Police sa alegasyong politically motivated ang pag-aresto sa mga aktibista.
Ito’y matapos dakpin ng PNP si journalist at Manila Today editor Lady Ann Salem noong Huwebes.
Ipinaliwanag ng senador na inaresto si Salem dahil sa kinakaharap na kaso at ginawa lamang ng PNP ang tungkulin nito.
“Hindi naman po sila aarestuhin kung wala pong (dahilan). Ibig sabihin kung may warrant of arrest, dumaan na sa korte. Sila ang nag-iisyu ng warrant at nagpapatupad lang ang PNP,” ani Go.
Bukod kay Salem, anim pang trade union members ang dinakip.
Sa ulat ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, inaresto si Salem dahil sa illegal possession of firearms and explosives.
Ang publikasyon naman ni Salem na Manila Today ay tinukoy ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) bilang front ng Communist Party of the Philippines.
Muling inulit ni Go na ang bawat isa ay may kaparatang i-exercise ang freedom of speech at batikusin ang gobyerno subalit ang anomang pagtatangka upang wasakin ito ay iba nang usapin at isang paglabag sa batas.
“May karapatan kayong magsalita, may karapatan kayo to criticize the government pero wala kayong karapatan to destroy the government,” sabi ni Go
“Pinili ‘yan for a period of six years, fixed po ang term na ‘yan. Respetuhin n’yo ang pinili. May eleksyon, tumakbo kayo sa eleksyon kung gusto niyo kayo ang mamuno sa bansa,” idinagdag niya. (PFT Team)