Advertisers
TAHASANG tutol si Cagayan Gobernador Manuel Mamba sa iligal na sugal.
Sana hindi press release ang pagiging kalaban ni Mamba ng mga operator ng iligal na sugal.
Dahil kung press release lang, nangangahulugang nanloloko siya.
Mas maganda kung papatunayan ni Mamba na siya ay tahasang tutol sa illegal gambling.
Utusan niya si Brigadier General Crizaldo Nievez, direktor ng Philippine National Police (PNP) sa ikalawang rehiyon na hulihin, ikulong at sampahan ng kaso ang lahat ng nagpapatakbo ng jueteng sa Cagayan na gamit ang mga numero ng small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, walang STL sa Cagayan makaraang ipinatigil ito ng PCSO dahil hindi nagbayad ng mahigit isang bilyon ang Charity Games of Chance Corporation (CGCC) ng utang nito sa PCSO.
Ani Garma, hindi na binigyan ng PCSO ng permit ang CGCC.
Nabalitaan ni Mamba na wala na ngang permit ang STL operator sa Cagayan.
Batay sa rekord sa PCSO, sumulat si Garma kay Nievez noong Oktubre 21 kung saan sinabi ng PCSO GM na wala nang “authorized agent corporation” (AAC) ang PCSO para sa STL nito sa Cagayan.
Inilinaw din ni Garma kay Nievez na tinanggalan ng PCSO ng permit ang CGCC dahil hindi nito nabayaran ang utang na mahigit isang bilyon sa PCSO.
Kaya, iligal na ang operasyon ng CGCC sa STL.
Binanggit din ni Garma kay Nievez na “any operation by the CGCC does not bear the approval and consent of the PCSO”.
Kaya, kung nagnenegosyo pa ng STL ang CGCC ay malinaw na iligal ito, batay sa deklarasyong ito ni Garma.
Mayroon umanong pabalitang nakarating sa tanggapan ni Mamba na mayroong grupo ng mga ‘kapitalista’ ang palihim na nagpapatakbo ng iligal na sugal sa Cagayan.
Protektado raw umano ng mga pamahalaang bayan ang mga kapitalistang ito.
Kung totoo ito, agad nang kumilos si Mamba upang kagyat nang matigil ang iligal na sugal sa Cagayan.
Ipakita at patunayan ni Mamba na hindi siya tamad na gobernador.