Advertisers

Advertisers

TARRAZONA, PAG-ASA NG LIPA?

0 856

Advertisers

BAGO ang hepe ng kapulisan sa Lipa City, Batangas. Itinalaga ni PNP Region 4-A director, Felipe Natividad si P/LtCol. Lory E. Tarrazona, kapalit ni P/LtCol. Antonio Rotol Jr., mahigit sa isang linggo pa lamang ang nakararaan para manungkulan sa lungsod na may 72 barangay.

Kaya ibig sabihin nauna lamang si General Natividad ng 23 araw na kauupong pinuno ng CALABARZON PNP saka nahirang namang Lipa City Police Chief si Tarrazona.

Nakasisigurong dahil sa magagandang record ni Tarrazona sa PNP ay umaasa si General Natividad na magiging matapat at epektibong lingkod bayan si Tarrazona kaya napili itong pamunuan ang isang organization tulad ng Lipa City Police Office.



Hindi pa gaanong katagalang napo-promote bilang Lt.Colonel si Tarrazona ay marami na din itong karangalan na natanggap, kabilang dito ang Medalya ng Kadakilaan na iginawad dito ni dating PNP Director General, Archie Francisco Gamboa bago ito magretiro.

Sa panig ni General Natividad, malaki ang paniniwala nito kay Tarrazona na makakayang pamunuan ang isang himpilang ng pulisyang tradisyunal na kilala ang kapulisan bilang isa sa may pinakamaraming “barakong” kagawad nito.

Hindi lamang bantog sa galing at walang takot sa kriminal ang mga pulis sa Lipa City ngunit nakilala ding noong Pre-Martial Law na kayang suwagin ng mga ito maging ang mga dating abusadong miyembro ng military noong bago pa man ideklara ang batas militar ng diktadurang rehiyemeng Ferdinand Marcos.

Sariwa pa sa ating alalala ang mga kwento ng aking mga ninuno kung papaanong nakipagbabakan ang iilan lamang noong miyembro ng pulisya ng Lipa City sa mga sundalo ng Philippine Airforce at Philippine Goonstabulary este Constabulary pala.

Ang mga pulis Lipa ay sinuportahan ng bala at armas ng kanilang mga mamamayan pagkat malaki ang paggalang sa mga ito ng mga taong-bayan.



Sa madaling salita, buo ang loob, may likas na katapangan tulad ng isang taal na Batangueño ang pangkaraniwang pulis-Lipa at may suporta pa nga ng kanilang pinaglilingkurang mamamayan.

Ngunit nagbago na ang takbo ng panahon, ang angking katangian ding ito ng noon ay pinagpipitagang pulis-Lipa ang malimit ngayong pinoproblema ng ilang naluklok na hepe ng kapulisan sa naturang lungsod.

Kaya nga malaking hamon kay Tarrazona at kay Heneral Natividad kung paanong pamumunuan at mapasusunod sa kanilang liderato ang marami ding matitigas ang ulong miyembro ng kapulisan ng nasabing siyudad.

“Sila yaong ilang mga pulis na tinubuan na ng sungay dahil sa alyado ng kanilang protektor na pulitiko, at sila rin ngayon yaong kakutsaba ng sindikatong nagpapatakbo ng kalakalan ng droga at mga iligal na pasugalan sa Lipa City”, ang kwento pa sa SIKRETA ng isang dating police investigator.

Hindi na tayo nagtataka kung bakit nagpapalit-palit na ang naging hepe ng kapulisan ng Lipa City, ngunit nanatiling tila matibay na moog ang operasyon at di matibag ang bentahan ng shabu at iligal na pasugal ng isang alias Ka Carling at ng kabit nito.

Engkardo si alias Ka Carling ng halos lahat na illegal drug trader at gambling operator ng nasabing siyudad. Ang kuta nina alias Ka Carling sa Brgy. Bulacnin ay pinatatakbo ng isang alias Maliwanag at isang alias Vie.

Si Maliwanag ang taga-angkat ni alias Ka Carling ng droga partikular ay shabu sa Taguig City, Metro Manila at Datu Ismael sa Dasmariñas City, Cavite.

Ang tatlo ( alias Ka Carling, Vie at alias Maliwanag) ang komo-kontrol din ng bentahan ng shabu at iligal na jueteng o STL bookies sa halos ay 50 mga barangay sa Lipa City.

Ang mga kaalyado nina alias Ka Carling, Maliwanag at Vie sa kalakalan ng droga at iligal na pasugal ay sina Kap Randy, Brgy. Sulok, Ex-Kap Fonti- Brgy Granja at Poblacion, Kap Gonzales- Brgy. San Benito, alias Kap Boyet ng San Lucas, Kap Lacorte- Brgy. Sto Toribio at Saint Michael; Kap August- Brgy. 8. Poblacion; alias Kap Sara ng Sampaguita, alias Ruben Sabedra- Brgy. Balintawak, alias Lorenz ng Brgy. Poblacion 4 at Bulaclacan; Neneng Dista- Brgy Uno; Vilma Tomboy-Calle Pogi, Brgy 3, Amapola Subdivision, C.M Recto Ave., at bus stop; Liza at Linda-sa Brgy. Balintawak at Poblacion; Hadjie at Aiza- Brgy San Jose o San Jose Patay, Ex-pulis Yema- Brgy. Pangao.

Sina alias Kap Wanita at Kap. Fernan, naman ang operator ng STL bookies/ jueteng at financier ng kalakalan ng droga sa South at North District ng Lipa City na kumakatawan sa 34 na barangay ng Lipa City.

Masusubok talaga ang prinsipyo nina General Natividad sa paglipol ng iligalistang drug pusher at operator ng iligal na pasugalan sa Lipa City at Tanauan City gayundin sa mga bayan ng Padre Garcia, Malvar, San Jose, San Juan, Nasugbu at Taysan, na nabigong lansagin ng mga nakaraang pamunuan ng PNP.

Sana ay hindi rin masilaw ng kinang ng salapi ang heneral at tumatak sa isipan ng mga hepe nito ng kapulisan ang tunay na diwa ng “No Take Policy”.

Kaya kailangan nga ni Gen. Natividad ang tulad ni LtCol. Tarrazona! Tingnan natin?

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.