Advertisers
MAGANDANG balita sa lahat ng traffic violators na nakumpiskahan ng lisensya ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) o ng mga kinumisyong opisyal na awtorisado ng Lungsod ng Maynila o nahaharap sa mga kaso dahil sa mga paglabag na nagawa.
Inanunsyo ni Mayor Isko Moreno na ang pamahalaang lungsod ay magbibigay ng amnesty sa lahat ng mga delingkwenteng may hawak ng ordinance violation receipts (OVRs) o mga nakaipon na penalties, pati na rin interes nito at surcharges.
Ang amnesty ay kabilang sa city ordinance 8699 na nilagdaan ni Moreno matapos na ipasa sa Manila City Council na pinamumunuan ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer, majority floorleader Atty. Joel Chua at president pro tempore Jong Isip.
Dahil diito ay inatasan ni Moreno si MTPB Director Dennis Viaje na ipagbigay alam sa kanyang mga tauhan na siyang nangangasiwa sa pagpoproseso ng OVRs ang tungkol sa nilagdaang ordinansa.
“The accumulated penalties, interests and surcharges of the violation ticket shall be waived. Hence, the holders of OVRs shall pay only the original amount of violation. Payments made under the amnesty shall be unconditional. Thus, payments under protest shall not be allowed,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa ni Moreno na ang nasabing amnesty ay maaring mapakinabangan sa loob ng 90 araw sa oras na magkabisa na ang ordinansa at matapos ang 90 araw na ito ay wala ng bisa ang amnesty at ang lahat ng mga naipong penalties ay dapat bayaran ng naaayon sa orihinal na kwenta ng penalties, interests at surcharges’.
Maging ang mga may hawak ng OVRs na may kinakaharap na mga kaso dahil sa paglabag sa trapiko ay maari ring makinabang sa nasabing amnesty.
“Those who avail of the amnesty …shall be exempt from criminal, civil and administrative liability arising from violation of traffic rules and regulations under Ordinance No. 8092 or the Manila Traffic Code, without prejudice to the prosecution of other violations under existing laws and ordinances, rules and regulations,” paliwanag ni Moreno.
Ayon kay Moreno, layunin ng amnesty na matulungan ang mga motorista sa panahon ng pandemya, gayunman ay pinakiusapan niya ang mga ito na sumunod sa batas trapiko at huwag ng lumabag sa anumang regulasyon.
Kasabay din nito ay pinirmahan din ni Moreno ang city ordinance na nagtataas ng salary grades ng mga nurses na empleyado ng Maynila. Ito ay angkop na pagkilala sa kanilang patuloy na pagpapakita ng kabayanihan sa gitna ng pandemya.
“It is our small way of showing our gratitude to our frontliners who have been risking even their own lives and safety just to keep us healthy,” sabi ng alkalde.
Sakop ng salary increases ang lahat ng nurses na naglilingkod sa anim na city-run hospitals at gayundin ang mga naka-assigned sa mga health centers at Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold Pangan. (Andi Garcia)