Advertisers
Masusing iniimbestigahan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) kung nagpakamatay ba o sadyang pinatay sa loob mismo ng kanyang tanggapan si NBI counter-terrorism division (CTD) chief Raoul Manguerra.
Walang gustong mag-komento sa hanay ng NBI ukol sa nakakagulantang na pangyayari at habang isinusulat ito ay gumugulong na ang malalimang imbestigasyon sa insidente.
Una nang kinumpirma ni NBI Director Eric Distor na si Manguerra ay may tama ng baril sa tiyan noong Lunes ng gabi sa loob ng kanyang opisina.
Naisugod pa umano ito sa pagamutan pero hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Manila Doctor’s Hospital ang kanyang buhay dahil sa kumplikasyon ng kanyang tama sa tiyan.
Anuman ang nangyari, nagluluksa ang buong NBI sa ngayon sa pagkamatay ni Manguerra dahil itinuturing nila itong isang haligi sa kagawaran.
Isinalarawan pa nga ni Distor si Manguerra bilang isa sa mga ‘decorated CTD operatives’ ng NBI.
Malaki pala kasi ang naging papel ni Manguerra sa pagkakahahuli ng may 39 Abu Sayyaf members.
Bukod diyan, pinangunahan din daw nito ang kanyang mga tauhan sa pagpigil sa mga tangkang ‘terror attacks’ laban sa ating bansa.
Bata pa si Manguerra, 49 anyos lamang at malayo pa sana ang tatakbuhin ng kanyang napiling karera. Nangyari ang insidente dakong 11:39 p.m. ayon sa mga ulat na naglabasan.
Ayon sa kalive-in ni Manguerra na si Atty. Rosario Bernardo, may stage 3 colon cancer daw ang kanyang asawa at siya na din pala mismo ang pumili na NBI na din ang magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay nito.
Sana ay agad na magkaroon ng resulta ang imbestigasyon dahil kung sadyang pinatay si Manguerra, ang insidenteng ito ay isang malaking sampal sa pamunuan ng NBI at hindi dapat na palagpasin nang ganun-ganun na lamang.
Hindi lamang dahil sa isang mataas na opisyal si Manguerra sa itinuturing na pinakamataas na ahensiya ng ‘law enforcement’ sa bansa.
Higit pa sa mga nabanggit ko, sa loob mismo ng headquarters ng NBI naganap ang misteryosong pagkamatay ni Manguerra.
Hindi ako isang imbestigador pero parang mahirap paniwalaan na nagpakamatay si Manguerra dahil tiyan ang tama. Karaniwan sa mga nagpapakamatay ay sa ulo nagbabaril o sa loob ng bibig.
Kaya dapat talagang magkaroon ng malalimang imbestigasyon ang kasong ito. Dito natin masusubok ang galing ng NBI.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.