Advertisers

Advertisers

Fake news mabilis kumalat, huwag agad paniwalaan

0 304

Advertisers

Pinatikim na naman tayo ng maling balita na agad kumalat at pinaniwalaan naman ng marami sa ating mga kababayan.

Ang fake news na aking binabanggit ay yaong kumalat noong nakaraang linggo na ang buong bansa daw ay muling isasailalim sa “nationwide lockdown” at magsisimula ito sa December 23 hanggang January 3.

Santisima Trinidad! Di pa ba tayo nadala? Marami na ang napahamak dahil sa maling balita. Ang fake news ay parang totoong-totoo na balita, lalo na kung kagimbal-gimbal ang dala-dala nitong epekto sa mga buhay natin bilang mga Filipino.



Pero kaya nga halos araw-araw na ang pagbibigay ng impormasyon ng ating pamahalaan upang tayo ay di maligaw at huwag madaig ng mga maling balita o fake news na mga ito.

Nanganak pa nga ang fake news na yan, sa bayan naman ng Valenzuela. Magkakaroon daw ng muling lockdown sa siyudad mula December 19 to January 1.

Eh halos mapatid na ang mga litid ng mga opisyal natin sa pamahalaan sa pagsasabi ng mga tunay na pangyayari. At kadalasan pa nga ay sa katatanggi ng mga fake news na gaya niyan.

Mismong si Task Force against COVID-19 spokesperson Gen. Restituto Padilla ay paulit-ulit na nagsasabi na huwag agad paniwalaan ang mga ganitong impormasyon, lalo na kung hindi nanggagaling mismo sa kanila. Ganun din si Presidential Spokesperson Harry Roque at maging si CabSec o Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Iisa ang kanilang sinasabi. Huwag padadala sa fake news. At huwag na rin maging instrumento na ibahagi pa ito sa iba. Ito kasi ang dahilan ng mabilis nitong pagkalat.



Mas matulin pa ang epekto ng fake news kaysa sa epekto ng hawaan ng COVID-19 virus. Kaya maging responsable naman tayo. Huwag mahihiyang magtanong, ika nga.

Alamin ang tamang impormasyon sa mga tamang tao na dapat pinanggagalingan nito, gaya na lamang ng mga opisyal ng pamahalaan. O kaya naman ay mga tunay na taga-pamalita gaya ng mga pinakikinggan natin sa mga radio o mga pinapanood natin sa mga telebisyon at mga mababasa sa mga lehitimong pahayagan.

Ang mga impormasyong nanggagaling sa ibang paraan o platform na tinatawag ay kadalasan may sablay. Ang mga balita sa social media halimbawa ay talagang napipihit o talagang iminamali ng mga may gawa nito, di lamang para makagawa ng kalituhan, kundi makapanira ng kapwa o buhay ng iba.

Pinaka-mainam pa rin na subaybayan ang mga balita sa tamang panggagalingan nito. At kung makasagap naman na fake news dahil sa paki-alamera mong kapitbahaty o kaibigan, huwag mahihiyang magtanong sa tamang otoridad upang malaman ang katotohanan. Huwag na rin maging instrumento sa pagpapakalat ng maling balita, nang sa gayon ay mapaganda ang kalagayan nating lahat.