Advertisers

Advertisers

Vhong nagpasalamat kay Jaclyn sa ‘Mang Kepweng’

0 277

Advertisers

Ni ROMMEL PLACENTE

ISA sa mga official entry sa darating na MMFF 2020 ang pelikulang Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim, na ang bida ay si Vhong Navarro.

Mula ito sa collaboration project ng Cineko Productions at Star Cinema at mula sa direksyon ni Topel Lee.



Sa digital media launch ng Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim, nagpasalamat si Vhong kay Jaclyn Jose, na muli niya itong nakasama sa second installment ng pelikulang pinagbibidahan niya. Ang beteranang aktres ang gumaganap na nanay ni Vhong sa pelikula.

“Ako po si Mang Kepweng, anak po ako ni Miss Jaclyn Jose. Nagpapasalamat po ako sa kanya dahil tinanggap niya uli ‘yung part 2 ng Mang Kepweng,” sabi ni Vhong.

Nagkuwento si Vhong tungkol sa adventure niya sa nasabing pelikula.

“Si Mang Kepweng po kasi e, patuloy siya sa paggagamot mula nu’ng part 1 papunta po ru’n sa part 2. Kaya lang, sa kanyang paggagamot, nagkaroon siya ng yabang o hangin sa katawan. Na akala niya e, kaya niya na lahat, sikat na siya, hindi niya na kailangan ng friends.

“Later on, du’n na nagkaprobema ‘yung bandana, mawawalan po ng bisa. Kaya po biglang lumabas ang bandanang itim. Kailangan ni MK at ng kanyang friends na hanapin ang iba’t ibang ingedients para mabalik ulit ‘yung kapangyarihan ng bandanang pula. Kaya naging adventure. “Kumbaga, nag-travel kami kung saan-saan ng walang facial mask at face shield  dahil that time e, wala pa namang pandemic,” natatawang sabi pa niya.



“At sa awa ng Diyos, natapos namin ‘yung pelikula na safe kaming lahat,” aniya pa.

May napanood ba siya na original na Mang Kepweng na si Chiquito ang bida? Si Chiquito ay ang namayapang komedyante na sikat noong 80’s. Karibal niya noon sa popularity ang namayapa na rin na si Dolphy.

“Hinahanap ko po talaga siya kung saan ko puwedeng mapanood. Kahit sa YouTube, nag-try ako. Kaya lang medyo madilim na po talaga, halos hindi na makita. Pero napapanood ko po talaga si Tochikits. Isa po talaga siya sa mga idolo ko pagdating sa komedya.”

Ano sa tingin niya ang dahilan at siya ang napili at kinuha para magbida sa Mang Kepweng?

“Yung ibang artista, hindi po kasi available. So ako lang po ‘yung.. nakita akong dumaan sa koridor ng ABS-CBN. ‘Baka pwede itong si Vhong?'” natatawang birong sagot ni Vhong.

Dagdag niya,”Ang pagkakaintindi ko po ru’n sa part 1, kaya po ako napili, parang sinabi ni Mayor Rico (Roque) na parang nakikita niya ako kay Chiquito. Kaya po naisip nila na gawin ang Mang Kepweng, at ako po ‘yung napusuan nilang gumanap. ‘Yun po.”

Ang role ni Vhong bilang si Mang Kepweng, ay isang albularyo. Naniniwala ba siya sa albularyo na pwede silang makapagpatigil o makagamot sa COVID-19?

“Parang hindi naman masama kung maniwala, eh. Kumbaga, kailangan talaga natin ng hope, lalo na sa pinagdadaanan natin ngayon. Kaya ‘yung mga frontliners talagang nagtutulung-tulong para makagaan o makatulong sa ating mga kababayan sa pinagdadaanan nating pandemic.

“Siyempre, ang mga albularyo, matagal na silang nandiyan. Hindi sila nawawala sa mga probinsya, sa mga lugar na kung saan e ‘pag ang doktor ay hindi nila kaya ang budget o wala silang pera, ang takbukan ng mga tao, ‘di ba sa albularyo? Kumbaga, paniniwala po talaga ‘yun, eh. Kung may faith ka, gagaling ka, eh. ‘Yun po ang para sa akin.”

Ang Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim streams on http://upstream.ph simula sa December 25.  Gamit ang inyong GMovies account, mabibili ang mga ticket ngayon pa lang sa halagang Php 250.