SANDAMAKMAK NA DEP. SPEAKERS ISA NANG SCANDAL!
Say ng political analyst sa liderato ni House Speaker Velasco:
Advertisers
TINURING ng isang political analyst na isa nang “scandal” ang nangyayari ngayon sa House of Representatives na mayroong 29 Deputy Speakers.
Ayon sa batikang political analyst na si Mon Casiple, hindi kailangan ng ganoon karaming Deputy Speaker (DS) ng Mababang Kapulungan dahil wala naman itong naipakitang nagagawa. Aniya, habang dumarami ang itinatalagang Deputy Speakers ay dumarami lamang ang gastos.
Malinaw, aniya, na ang nangyayari ay political accommodation, nabigyan ng pwesto ang mga kongresista na naging instrumental sa pag-upo bilang House Speaker ni Velasco.
“It’s a very partisan move. Wala namang malaking nagawa, naging hatian lang ng pera ” paliwanag ni Casiple.
Siyam pang sumuporta kay Velasco sa speakership row ang niregaluhan niya ng Deputy Speakership. Ang 29 kabuuang bilang ng Deputy Speakers ang pinakamataas sa kasaysayan ng Kamara.
Ang siyam na bagong DS ay sina Arnolfo Teves Jr, Negros Oriental 3rd District; Rimpy Bondoc, Pampanga 4th District; Bernadette Herrera Dy, Bagong Henerasyon; Kristine Singson Meehan, Ilocos Sur 2nd District;Divina Grace Yu, Zamboanga del Sur 1st District; Rogelio Pacquiao, Sarangani; Bienvenido Abante Jr, Manila 6th District; at ang dalawang kapwa kinatawan ng Valenzuela na sina 2nd District Rep. Weslie Gatchalian at 1st District Rep. Eric Martinez.
Si Teves, isang self-confessed drug user, ang unang nagpalutang sa isyung hindi patas na hatian sa pondo ng mga mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano. Subalit nang maipasa ang P4.5-trillion 2021 budget sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay lumitaw na mas tumaas pa ang budget ng mga kongresista na nabigyan ng P650M hanggang P15B bawat isa na infrastructure allocation.
Si Las Pinas Rep. Camille Villar ay itinalaga rin bilang DS subalit tinanggihan nya ito. Sa website ng Kamara ay makikita parin ang pangalan ni Villar bilang Deputy Speaker. Kung hindi tatanggapin ni Velasco ang kanyang pagtanggi sa pwesto ay nasa 29 ang DS.
Ang deputy speakership ay isang “plum post” sa Kamara dahil bukod sa pagiging senior position ay may kaakibat din ito na perks gaya ng budget na P200M at pagkakaroon ng voting powers.
Una nang ipinaliwanag ni UP Political Science Assistant Professor, Jean Franco, na habang dumarami ang Deputy Speaker ay nadaragdagan din ang gastos. Halimbawa, kapag itinalagang deputy speaker ay magkakaroon ng opisina, dagdag na staff at budget.
“Aside from the regular office budget one enjoys simply for being a congressman. You have your own budget you, can have at least 6 staff tapos meron ka pang district staff. Pag may committee, that’s additional budget and of course, you’re able to travel, may perks of travelling. Aside from having a staff, you have a budget also sa district office mo,” pagbubunyag ni Franco.
Sa 2017 report ng Commission on Audit (COA), lumilitaw na P4.89B ang nagastos sa expenses sa mga tanggapan ng mga kongresista.
Kung sa 14 Deputy Speakers noon ay malaki na ang ginastos, tiyak na dodoble ngayong 29 ang Deputy Speakers.