Advertisers
APRUBADO na ng House at Senate contingent sa bicameral conference committee ang reconciled version ng P4.5-trillion proposed 2021 national budget.
Target ng dalawang kapulungan ng Kongreso na ratipikahan sa plenaryo ang bicam report sa panukalang pondo para sa susunod na taon.
Pinangunahan nina House Committee on Appropriations Committee chairman Eric Yap at Senate Finance Committee chairman Sonny Angara ang approval sa final version ng GAB.
Bukod kina Yap at Angara, physically present din sa pulong na ginanap sa isang hotel sa Makati City sina Senators Sherwin Gatchalian at Pia Cayetano, pati rin sina Representatives Bernadette Dy at Mikee Romero; habang virtually present naman ang iba pang mga miyembro ng bicam panel.
Sa ilalim ng reconciled version ng GAB, sinabi nina Yap at Angara na P70 billion ang alokasyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
Bahagyang mababa ito kumpara sa P83 billion na inilalaan ng Senado para sa COVID-19 vaccines base sa kanilang bersyon ng GAB, habang mas mataas naman kumpara sa P8 billion appropriation ng Kamara.
Aabot naman sa P23 billion ang realigned na pondo para sa mga biktima ng Bagyong Ulysses at Rolly.
Nananatili namang intact ang P19 billion na pondo ng kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa P4.5-trillion proposed 2021 national budget, ang sektor ng edukasyon ang makakatanggap ng pinakamalaking pondo sa halagang P708,181,173,000; sinundan ito ng DPWH (P694.822 billion); DILG (P247.506 billion); DND (P205.471 billion); at DSWD (P176.659 billion).
Ang Department of Health na siyang nangunguna sa COVID-19 response ng pamahalaan ay may P134.941 billion; sinundan naman ito ng DOTr (P87.455 billion); DA (P68.622 billion); Judiciary (P44.108 billion); at DOLE (36.606 billion).
Una nang sinabi ni Yap na target nilang maipadala ang 2021 budget bill sa Malacañang para mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Disyembre 18 o Disyembre 21. (Mylene Alfonso/Henry Padilla)