Advertisers
BATANGAS City — HINDI namin alam kung anong uri ng hangin ang pumasok sa utak ni Rodrigo Duterte. Sa muling pagharap sa publiko sa pamamagitan ng telebisyon noong Lunes ng gabi, binigyan ng diin ng tila naaalimpungatang lider ang kahalagaan ng mass testing. Aniya: “Ang importante, I realize now ay mass testing. Kasi mahal, I’m trying to figure out a cheaper way to do it.”
Kundi ba naman bangag ang lider nila, noon pang Marso ipinagdidikdikan sa kanyang utak ang pangangailangan ng mass testing, contact tracing, at mass immunization kung kinakailangan. Hindi naman sila nakikinig. Ipinagdidikdikan sa kanilang limitadong utak ang pangangailangan ng malinaw na plano, programa, at target sa pandemya.
Malinaw na dumating sa Filipinas ang pandemya. Dinala ito ng mga turistang Intsik mula sa Wuhan City. Ngunit nagkibit balikat lamang si Duterte at sampu ng kanyang alagad sa pamahalaan. Militarisasyon ang isinagot.
Bagaman usapin ng kalusugan ang pandemya na dulot ng coronavirus, o Covid-19, nagtayo ang gobyerno ni Duterte ng santambak na checkpoint at roadblock na minanmanan ng mga pulis at sundalo. Ipinataw ang lockdown na itinuring na isa sa pinakamalupit sa buong mundo at ipinatigil ang galaw ng ekonomiya.
Walang mabuting nangyari kundi isadlak ang ekonomiya sa matinding recession. Maraming negosyo ang mga nagsara; maraming mamamyan ang nawalan ng trabaho; nagdarahop ang sambayanan dahil sa kakulangan ng kakayahang mamuno ng pangkat ng Davao. Tama na tawagin silang Inferior Davao.
Ngayon, biglang nagising si Duterte sa katotohanan at saka naisip ang pangangailangan ng mass testing. Too late the hero na ang baog na lider. Marami na ang namatay. Masyadong huli. Napakarami nang nangyari bago niya naisip ang maintinding pangangailangan sa mass testing.
***
ITINAKDA sa ika-7 ng Enero, 2021 ang technical audit ng Dito Telecommunity (DitoTel), ang pangatlong telco ng bansa maliban sa PLDT Group at Globe Telecom. Sa ika-7 ng Marso ang umpisa ng commercial operations ng DitoTel. Maaaring mag-umpisa sa Marso ang bakunang bayan kung saan milyong Filipino ang bibigyan ng libreng bakuna mula China.
Sa pagsasabay ng pagpasok ng DitoTel sa merkado ng telekomunikasyon at bakunang bayan kontra Covid-19, nararamdaman o nakikinita ngayon pa lang ang delubyo ng damdamin kontra China. Hindi mabawasan o maibsan ang damdamin kontra China dahil alam ng bawat Filipino ang pangangamkam ng China sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea.
Maraming Filipino ang nasusuklam kay Rodrigo Duterte dahil sa kanyang paninindigan panig sa China. Alam ng bawat Filipino ang pagiging tuta ni Duterte sa China. Marami ang walang bilib kay Duterte. Kahit matulis ang dila ni Duterte, alam na maraming Filipino na duwag siya at isang bastos na alipin ng China.
Maaaring maibsan ang pagkamuhi ng mga Filipino kay Duterte kung totoong maibabahagi ng DitoTel ang ipinangakog “leapfrog” technology, o 5G (Fifth Generation). Sa ngayon, pangako lamang ito. Abangan kung kayang ibigay.
***
DAHIL sa pandemya, kaunti lamang ang aanyayahan na lider ng ibang bansa sa inagurasyon ni Joe Biden sa ika-20 ng Enero. Hindi kailangan ng mga lider na pumunta sa Washington D.C. at personal na saksihan ang pagsumpa ni Biden bilang ika-46 na presidente ng Estados Unidos. Maaari nilang saksikan ang pagsumpa sa kanilang opisina o tahanan.
Marami ang nagkakasakit ng coronavirus sa Estados Unidos. Sa estado ng New Jersey, umabot sa 6,000 ang tinamaan ng mapinsalang virus sa loob lamang ng isang araw. Nararamdaman ngayon ang kapabayaan ni Donald Trump. Dahil sa kayabangan at kakulangan ng epektibong liderato, maraming Amerikano ang nagdurusa.
Malamang na hindi anyayahan ng personal si Bise Presidente Leni Robredo na maging saksi sa inagurasyon ni Biden sa Washington. Maaaring sa U.S. Embassy sa Maynila aanyayahan ang Bise Presidente. Hindi nangangahulugan na hindi tinitingala ng Estados Unidos ang Bise Presidente bilang isang kagalang-galang at epektibong lider ng bansa.
Samantala, inaaasahan na matatapos ang mga hablang isinampa ni Donald Trump sa iba’t-ibang hukuman sa Amerika upang mabaligtad ang resulta ng halalan. Nais niya na siya ang tanghaling panalo at hindi si Joe Biden. Tinamaan ng coronavirus si Rudy Guiliani, ang lider ng legal team ni Trump. Nasa ospital si Guiliani.
***
HAYAGANG lumantad ang India bilang isa sa mga bansa nakikipag-unahan sa pagbibigay ng bakuna kontra sa pandemya. Bakit hindi? Lampas pitong bilyon ang tao sa mundo at totoong kikita ang anumang bansa na makakapagbigay ng epektibong bakuna kontra sa coronavirus.
Humingi na ng approval ang The Serum Institute, ang pinakamalaking pharmaceutical company na gumagawa at nagbeneta ng bakuna. Kaya nitong tapatan ang Sinovac, ang kumpanya ng China na gumagawa ng bakuna. Maaaring silang magtapat sa kumpetisyon na magbigay ng murang bakuna. Kilala rin ang India sa paggawa at pagtitinda ng murang gamot.
Batay sa salita ni Duterte, plano ng kanyang gobyerno na maging monopolyo ng Sinovac ang Filipinas sa bakunang bayan. Hindi nagugustuhan ng maraming Filipino ang monopolyo ng China at ni Duterte. Bakit China ang magdodomina sa merkado ng Filipino gayung sa China nagmula ang mapinsalang Wuhan virus? Bantog ang China sa paggawa ng mga pekeng kalakal at pagsuway sa mga batas sa copyright at patente.
***
QUOTE UNQUOTE: “We need to protect the public against the possibility of police abuse of power or use of violence such as planting of evidence, illegal arrest, and even killings. We call for the immediate passage of Senate Bill 427 or The Body Camera Act.” – Kiko Pangilinan, senador
“Sara and Bong Go have to admit that Mane has outmaneuvered them. Don’t be surprised if Mane breaks away from the Davao Group.” – Philip Lustre, netizen
“In the evolution of Homo sapiens towards higher form, I see the DDS and conspiracy theory subscribers as a divergent strain reverting to a non sentient lower reptilian brain. Eventually they are self destructing.” – Fidel Ismo, netizen
“It’s a form of mental illness, hallucinatory, to put one’s heart and mind into conspiracy theories that attach to lies made up by trolls. The entire DDS phenomenon is mass hysteria, mass belief in lies, mass mental illness. Living lies is a sickness. The vaccine is truth.” – Joe America, netizen