Advertisers
UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kasama sa Senado na kagyat na kumilos para sa kapakanan ng milyon-milyong Filipino, partikular sa mga nasa ibayong dagat, sa pamamagitan ng paglikha ng mga kapaki-pakinabang na batas kagaya ng Department of Overseas Filipinos.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, umapela si Go sa mga kapwa mambabatas na ikonsidera ang sitwasyon ng overseas Filipinos at ang kanila mismong hiling na gawing mas mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa kanilang mga pangangailangan.
Hiniling niya sa lehilatura ang paghahanap ng agarang solusyon kung papaano magiging mas maayos ang pagtugon ng gobyerno sa lumalaking suliranin ng overseas Filipinos.
“Marami namang concerns ngayon na dapat nating asikasuhin and this should not take a back seat. While we are financially constrained, this should not stop us from doing our job and looking for better ways to improve our government. Ituloy po natin ang diskusyon and let us see how we can improve further this proposed measure,” ang sabi ni Go.
Sa naturang regular session ng Senado, muling iginiit ni Go na unahing talakayin ang nasabing panukalang batas lalo’t isa ito sa mga priority measures na nais maipasa ng Duterte administration.
“The budget appropriated to agencies will be utilized for this new department and will no longer incur additional burden to our financial struggles — rather it will unburden our bureaucracy and streamline functions, so we can respond better and properly maximize the resources we need,” ang manipesto ni Go.
Sinabi niya na ang overseas Filipinos na katumbas ng 10 percent ng Filipino population, ang pinakamatinding tinamaan ng COVID-19 pandemic at patuloy na gumagapang para lang maabutan ng tulong ng pamahalaan, maging sa paghahanap ng mga bagong oportunidad.
“Simple lang po ang layunin ng batas na ito. Gusto natin na magkaroon ng isang ahensya ng gobyerno na magsisilbing timon para sa lahat ng concerns ng ating mga kababayan sa ibang bansa. Para naman po ito sa ikabubuti ng mahigit sampung milyong Pilipino na nakikipagsapalaran po sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” ang paliwanag ni Go.
Binanggit din niya na sa ngayon ay nahihirapan ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno bunga na rin ng kawalan ng matinong mekanismo para tugunan ang samu’t saring problema ng mga Filipino sa ibayong dagat.
“Kadalasan, hindi nila alam kung saan sila pupunta. Pinagpasa-pasahan sila. Huwag naman po sana ganito ang ating gobyerno. Suklian natin ang kanilang sakripisyo nang maayos at maaasahang serbisyo,” idiniin ng senador.
“Tinatawag nga natin silang mga bagong bayani natin. Mahirap po, kadalasan nananawagan sila dito sa Facebook, sa radyo, kahit saan na lang po sila humihingi ng saklolo at saksi naman tayo lahat diyan, lalong-lalo na po itong pandemyang ito. Kahit saan na lang sila humihingi ng tulong makarating lang po sa gobyerno ang kanilang mga hinaing at hinihinging tulong,” ayon pa kay Go.
Anang mambabatas, nagkaroon na ng serye ng konsultasyon ang executive department, sa pamumuno ni Cabinet Secretary Karlo B. Nograles, para sa koordinasyon at pagsasama-sama ng concerns na nagresulta sa pagbuo ng isang posisyon na sumusuporta sa pagtatatag ng DOOF.
“Hindi po ito pagdagdag sa ating burukrasya. Rather, this is a measure to streamline government services and improve bureaucratic responsiveness,” paglilinaw ni Go.
“Kaysa naman hiwa-hiwalay ang ating mga ahensya na nagsisilbi sa ating mga overseas Filipinos, hindi po ba mas magandang nasa iisang bubong na lang sila at iisang team, iisang mandato po?” aniya.
“Sana po ay alalahanin natin na sila ang pinakanangangailangan dito. Pakinggan po natin sila at intindihin natin kung saan sila nanggagaling. At the end of the day, para naman po ito sa kanila, sa kabutihan po nila, ang ating isunusulong nating batas,” sabi pa ng senador.
Sinabi ni Go na silang mga senador ay hindi lamang para maghain ng mga batas na hindi kailangan bagkus ay para magbigay ng solusyon sa mga kinakaharap na problema ng mamamayan.
Sinusugan niya ang sinabi ni Cabinet Secretary Nograles na ang panukalang DOOF ay isa sa pangako ni Pangulong Duterte sa taumbayan na ang pangunahing layon ay maproteksyonan ang kapakanan ng overseas Filipinos at ng kani-kanilang pamilya.
Ang Senate Bill No. 1835 na inihain ni Go noong September 16, 2020, ay ikalawang susog sa SBN 202 na una niyang inihain noong nakaraang taon.
Kinokonsidera nito ang ilang inputs mula sa concerned executive agencies na inindorso ng Office of the Cabinet Secretary at Presidential Legislative Liaison Office to the Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.
“Sana po ay bigyan natin ng importansya ang ating mga OFWs at iba pang overseas Filipino. Mahirap po mapalayo sa pamilya, hindi po nababayaran ang lungkot. Bigyan natin sila ng importansya. Sana po ay maisakatuparan na itong Department of Overseas Filipinos,” ayon kay Go.
“Sa mga kasamahan ko po, sa mga colleagues ko, sana po ay tulungan natin, sana po ay mapag-usapan natin ito, sana po ay maisakatuparan na rin po ito,” panawagan niya. (PFT Team)