Advertisers
KINASTIGO ng iba’t ibang anti-communist groups at civil society organizations si House Speaker Lord Allan Velasco sa lantaran niyang pagpanig sa mga kalaban ng administrasyong Duterte dala ng patuloy niyang pagbingi-bingihan sa matagal nang panawagang imbestigahan ang Makabayan Bloc sa koneksyon nito sa CPP-NPA.
Inamin ni Hands Off Our Children Founder Gemma Labsan na diskumpiyado sila kay Velasco dahil sa umpisa pa lamang ay nakikita na ang pagiging bias niya sa isyu ng Makabayan Bloc. Ang kanilang tanong sa lider ng Kamara ay kung kanino ba ito naglilingkod at hindi nya magalaw man lamang ang mga progressive solons?
“Kung neutral si Velasco dapat parehong side ang pakinggan nya, yun ang neutrality. Hindi natin maalis na maging diskumpiyado kasi nakikita natin sino ang mga against. Makikita natin ngayon sino mga naglilingkod sa bayan o may ibang pinaglilingkuran o para sa kanilang interes. Dapat ang pakinggan ng Kamara ay yung nakararami”, giit ni Labsan.
Aniya, sa kabila ng ipinapakitang bias ni Velasco ay hindi parin sila titigil sa pagkalampag dito hanggang sa umaksyon at gampanan ang kanyang tungkulin sa bayan. “Ipupursige namin na magkaroon ng hearing ang House of Representatives ukol sa Makabayan Bloc, no matter what. After ng Senate, ang Kamara talaga ang syang may jurisdiction sa isyu na ito”, giit ni Labsan kung saan iba’t ibang pagkilos ang kanilang isasagawa kasama ang League of Parents of the Philippines (LPP), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Hands Off Our Children (HOC) at grupong Yakap ng mga Magulang at iba pang Non Government Organization(NGO).
Samantala, nagpahayag ng kasiguruhan si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na hindi makikinig si Velasco sa panawagang imbestigahan ang leftist solons. Ani Gaite, malinaw na may pressure para idiin sila ngunit naniniwala silang hindi makikinig dito ang House Leadership.
“Clearly there is pressure on the House to join the communist witch hunt of the NTF-ELCAC, but we believe Speaker Velasco will remain judicious and will not allow the House to be used as venue for peddling baseless accusations against its members,” pahayag ni Gaite.
Nanindigan si Labsan na isang House Inquiry ang kailangan para tuluyan nang mailantad ang katotohanan laban sa kung ano ang ginagawa ng Makabayan Bloc sa Kongreso. Aniya, kung hindi aaksyon si Velasco ay hindi matitigil ang recruitment sa mga kabataan sa NPA.
Naniniwala ang grupo na hanggang nasa Kamara ang Makabayan Bloc ay magagamit nila itong platform para sa kanilang recruitment kaya malaki ang nakaatang na responsibilidad kay Velasco na wakasan ito.
Patuloy na itinatanggi ng Makabayan Bloc ang alegasyon ng military na konektado sila sa CPP-NPA subalit para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, lalong tumibay ang ebidensya nila laban sa progressive solons nang mapatay sa naging engkuwetro ng military at rebelde ang bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Culliamat na si Jevilyn.