Advertisers
SIMPLENG kanti ang ginawa ni Bise Presidente Leni Robredo kay Rodrigo Duterte. Bagaman hindi niya pinangalanan ang tila nababaliw na lider, sinabi ng Bise Presidente na mas maigi na mauna magpabakuna ang ilang matataas na opisyales ng gobyerno upang makumbinsi ang publiko na ligtas sa bakuna kontra Covid-19.
Hindi binanggit ng Bise Presidente kung saan manggaling ang bakuna bagaman naunang ipinahayag ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na nakatakdang umangkat ng 50 milyon doses ang gobyerno mula sa Sinovac, kumpanya na pag-aari ng China, upang ipamahagi sa mga tao. May pahiwatig si Galvez na magiging monopolyo ng China ang negosyo sa bakuna sa Filipinas.
Hindi maganda ang pagtanggap ng mga mamamayan sa pahayag ni Galvez. Maraming netizen sa social media ang nagsasabing bibili sila ng bakuna mula sa mga prestihiyosong kumpanya ng gamot sa mga bansang Kanluran kesa sumailalim sa libreng bakuna na galing China.
May simpleng pitik ang Bise Presidente na nagsabing sinusuportahan niya ang anumang galaw kung saan mauuna ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan lalo na kung gusto nila patunayan na mabisa nga ang kanilang bibilhing gamot. Ngunit hindi siya susuporta kung ang gusto nila ay mauna silang magbigay ng proteksyon sa sarili.
Dahil sa karanasan sa Dengvaxia kung saan nagtatalak ng labis kahit walang sapat na batayan si Persida Acosta na mapanganib ito, sinang-ayunan ng Pangalawang Pangulo ang suhestiyon ni Ely Saludar, anchor ng estasyong dzXL, na kailangang patunayan ng mga opisyales ni Duterte na ligtas at mabisa ang bakuna lalo na kung sila ang mauuna na magpaturok.
Hindi nalalayo ang ganito sa nangyayari kapag mayroon red tide sa isang lugar, ayon kay Bise Presidente Leni. Nauunang kumakain ang mga lokal na opisyales ng mga isda at iba pang nanggaling sa dagat upang ipakita na ligtas sa kalusugan ang mga ito. Lason kasi ang red tide. Nalalason ang anumang produktong dagat na kinapitan ng red tide, isang uri ng algae.
Ipinaliwanag ng Bise Presidente na may karanasan siya sa mga ganitong sitwasyon. Noong gumagawa siya ng community work sa mga lalawigan sa Bicolandia, ipinakikita nila na nagiging malinis ang maruming tubig na dumaan sa water filtration process na naimbento ng mga mananaliksik sa University of the Philippines. Siya ang unang umiinom ng nilinis na tubig upang makumbinsi ang mga tao na ligtas at hindi mapanganib sa kalusugan ang tubig.
Isang malaking tanong kung papayag ang mga opisyales ng gobyerno. Hindi malaman sa ngayon kung mauuna si Rodrigo Duterte sa magpapabakuna. Itinuro ni Bong Go si Francisco Duque III, ang kontrobersiyal na kalihim ng DoH, bilang isa sa mga dapat mauna na magpabakuna.
Umabot sa P10 trilyon noong katapusan ng Oktubre ang utang ng national government. May mga nagtatanong kung ano ang epekto ng malaking utang sa bansa. Narito ang pahayag ng paborito namin kaibigan at netizen:
“Umpisa tayo sa mga basic premise. Hindi agarang babalik ang sigla ng pambansang ekonomya. Bukod sa walang malinaw na plano ang gobyerno ni Rodrigo Duterte pagdating sa usapin ng kabuhayan, pabagsak din ang pambansang ekonomiya. Pero may plano ang mga economic manager na makapangutang pa. Babagsak ang Gross Domestic Product (GDP) sa hindi tataas sa -10 porsiyento sa 2020. Pinakamababa ang Filipinas kung ihahambing sa mga karatig bansa sa Asya. Mananatili ang economic recession sa 2021.
“Maalaala na ipinataw ni Duterte ang isa sa pinakamalupit na lockdown sa buong mundo kontra coronavirus. Kahit usaping pangkalusugan ang Covid-19, militarisasyon ang isinagot ni Duterte sa mapinsalang virus. Hindi kinakitaan ng anumang pagsisikap o pagkamalikhain ang gobyerno upang maharap ng puspusan ang pandemya. Kulang sa guni-guni. Walang plano, programa, at target upang mapigil ang paglaganap ng mapanganib na virus. Isinabak ang pulisya at militar sa paniniwala na iyan na nga ang solusyon. Dumapa ang negosyo at ang buong ekonomiya sa lupit ng lockdown. Pinakamalaking problema ng administrasyong Duterte ang tamang paraan upang pabalikin ang dating sigla ng pambansang ekonomiya. Mukhang salat sila sa paraan upang bigyan ng ningas ang kabuhayan. Hindi nila alam kung ano ang gagawin.
“Iigting ang pressure sa 2021 dahil kulang sa solusyon. Kailangan bayaran din ang bahagi ng interes at principal na inutang na salapi sa labas at loob ng bansa. Lumobo ang kabuuang utang ng gobyerno. Wala halos ginawa ang gobyerno kundi mangutang pa sa mga nakalipas na buwan. Sa pagtatapos ng Oktubre, lumampas na sa P10 trilyon ang kabuuang utang ng national government. Lampas P3.0 trilyon ang mauutang para sa taong ito. Uutang ng panibagong P3 trilyon sa 2021. Maaaring P6 trilyon ang mauutang sa 2020 at 2021. Bababa sa P2.3 trilyon ng uutangin sa 2022, ang taon ng halalang pampanguluhan. Sa maikli, maaaring umabot sa P15 trilyon ang utang ng gobyerno sa pagtatapos ng termino ni Duterte sa ika-30 ng Hunyo, 2022. Ang unang tantiya ay aabot daw ng P12-P13 trilyon ng gobyernong Duterte. Binago na ito dahil kailangan pag-ibayuhin ang pangungutang dahil hindi naman lumaki ang koleksyon sa buwis.
“Lampas P9 trilyon ang mauutang ni Duterte, o P1.5 trilyon kada taon sa loob ng anim na taon na termino. Sobrang lupit. Teka, Inferior Davao ang mga nakaupo. Bara-bara ang istilo. Hindi sila sanay mag-isip. Hindi nga malikhain. Kulang sa imagination. Wala rin sila nalalaman sa malaking bahagi ng pamumuno, lalo na sa kabuhayan.
“Teka, halos P6 trilyon ang utang ng gobyerno nang umupo si Duterte noong 2016. Ito ang kabuuan ng mga nautang ng mga nakaraang administrasyon – Cory Aquino, FVR, Erap, GMA, at PNoy. Huwag paghambingin ang gobyerno ni Duterte at Noynoy Aquino sapagkat masisira ka lang. Sobrang tindi ang gobyerno ni Duterte pagdating sa pangungutang. Abot sa P1.37 trilyon lamang ang kabuuan ng inutang ng gobyerno ni PNoy sa loob ng anim na taon.
Sa unang siyam na buwan ng 2020, umabot na sa P2.56 trilyon ang inutang. Tinatayang lampas P3 trilyon ang kabuuan ng uutangin sa kasalukuyang taon, ayon sa datos ng Bureau of the Treasury. Nakatakdang ipasa ng Kongreso ang panukalang pambansang budget na P4.51 trilyon sa 2021. Manggagaling sa nakolektang buwis ang isang ikatlo, o 1/3, ang panustos sa budget, at dalawang ikatlo, o 2/3 naman ang uutangin.
“Ang dahilan ng agresibong pangungutang ng gobyerno: Pandemya. Ani Sonny Dominguez, ang arkitekto ng walang habas na pangungutang, isa sa pinakamalupit ng lockdown sa buong mundo ang ipinataw ni Duterte sa Filipinas. Wala naman kuwestiyon diyan. Sinabi lang niya ang obvious. Humina ang koleksyon ng buwis. Totoo. Hindi sapat ang nakokolektang buwis. Totoo. Kaya ang mga utang at uutangin pa ang magpapatakbo ng gobyerno, aniya. Totoo rin.
Mangahas mangutang, mangahas mabuhay – ito ang sigaw ni Dominguez. Ito na ang simulain ng gobyerno ni Duterte. Teka, ano nga pala ang erpekto ng sobrang pangungutang?
“Umiiral pa ang Presidential Decree 1177, ang batas na pinirmahan ng diktador na si Ferdinand Marcos upang obligahin ang national government na maglaan ng salapi upang bayaran ang mga inutang. Sa maikli, uunahin bayaran ng gobyerno ang mga utang bago gumastos sa ibang gugulin. Sa ilalim ng batas na itinuturing mapang-api, hindi maipapasa ng Kongreso ang pambansang budget hanggang hindi nababayaran ang mga nakatakdang bayarin sa principal at interes ng mga inutang. Utang muna bago ang sarili, sa maikli. Sa laki ng inutang at uutangin, may matira pa kaya para sa sarili, para sa bansa? Iyan ang pinakamalaking problema.
Dahil inuna na bayaran ang mga utang, apektado ang gastos sa edukasyon, health care, kalamidad, imprastraktura, at marami pa. Unang prayoridad ang mga utang. Isa ito sa mga kondisyon ng ipinataw ng mga nagpapautang sa atin noong panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos. Siniguro nila na mababayaran sila bago magpautang sa atin.”