Advertisers
IBINUNYAG ng anti-corruption task force na karamihan ng sangkot sa korapsyon ay mga mambabatas.
Walang duda… Tumpak! ang task force dito na ito ngang mambabatas natin partikular sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang linta sa kaban ng bayan.
Oo! Mostly nang raket ng mga mambabatas ay sa proyekto – iregularidad sa government transactions.
Kinumpirma nga ni Justice Secretary Menardo Guevarra, ang head ng Task Force Against Corruption, na halos lahat ng sinasabing iregularidad ay sa infrastracture projects, tulad ng substandard o malabnaw ang pagkagawa, kulang sa sukat (lapad o haba), at ang pinakamalupet ay walang nagawang proyekto (ghost project) pero nagalaw ang pondo. Mostly nangyayari ito sa malalayong probinsiya kungsaan walang maingay na media at walang taong nag-iingay dahil kontrolado ni Congressman o ng mayor na bata ni “Kingkong!”
Dahil nga sa public works nangyayari ang korapsyong ito, tiyak sangkot dito ang district o provincial engineer na sunud-sunuran sa bulong ni Cong! Mismo!!!
Ang hindi ko lang nagustuhan sa ibinunyag ni Sec. Guevarra ay nasa “less than 5” lang daw ang sasampahan nila ng reklamo sa Office of the Ombudsman. Anak ng baka!
Sa datus naman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pinamumunuan ni Commissioner Greco Belgica, higit 20 ang kanilang iniimbestigahan. Validated na raw ito.
Pero ayaw pa nilang pangalanan kung sinu-sino ang mga buwayang ito sa Kamara. Bahala na raw si Pangulong Rody Duterte magsapubliko sa pangalan ng mga ito.
Nauna nang sinabi ni Duterte na wala siya sa poder para isapubliko ang pangalan ng legislators na sangkot sa korapsyon sa govt, projects. Co-equal branch kasi ng Chief Executive ang Legislative.
Marami ang tumaas ang kilay sa sinabing ito ni Duterte. Dahil kung totoong wala siya sa poder na siraan ang legislators, bakit sa kanyang narco-list ay isinapubliko niya ang pangalan ng ilang mambabatas na sangkot aniya sa iligal na droga. Binanggit niya rin ang pangalan ng ilang Judge na protektor daw sa droga e co-equal din ng Chief Executive ang Judiciary.
Isa pa, kung walang kapanyarihan si Pangulong Duterte sa pag-expose sa pangalan ng mga korap na mambabatas, bakit si Senador Liela de Lima na numero niyang kritiko ay nagawa niyang ipakulong gamit ang Department of Justice (DoJ) na nasa ilalim ng Office of the President?
Sa aking palagay, itong mga mambabatas na sinasabing sangkot sa grabeng mga iregularidad sa public works ay kaalyado ng administrasyon kaya ayaw isapubliko ng pangulo ang kanilang mga pangalan. Mismo!
Sa aming probinsiya lang, lone district ng Romblon, ang kongresista rito na si Budoy Madrona ay may kaso ng korapsyon sa Sandiganbayan. Its all about fertilizer fund scam na nangyari noong panahon pa ni Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi pa kasama rito ang mga hindi naiimbestigahan ng mga ghost at substandard projects sa lalawigan.
Si Madrona ay House Chairman ng committee on public works. Isa siyang political butterfly na kung sino ang Pangulo ay yun din ang kanyang partido. Mismo!
Anyway, dapat isapubliko ni Pangulong Duterte ang pangalan nitong mga tiwaling kongresista upang hindi na maihalal pa sa 2022.
Advance Merry Christmas po sa lahat. Keep safe!