Advertisers
Ipinagdiinan ng ating mga punong-lungsod o mga mayor sa kamaynilaan na hindi nila pinapayagan ang pagbibitbit ng ating mga tsikiting sa ating pamamasayal o pamimili ng pamasko sa mga malls.
Bagamat niluwagan na ng kaunti ng ating pamahalaang nasiyunal ang mga paggalaw ng ating mga kababayan upang sumigla na rin ang ating ekonomiya at makabawi sa malaking pagkalugi, ang ating mga lokal lider naman ay isina-saalang-alang pa rin ang pagliligtas sa lahat, sa panganib na dala ng virus na COVID-19.
At upang mabantayan mismo ang kalusugan ng lahat, ipinaubaya nga ng nasyunal na pamahalaan ang kalagayan ng mga kabataan maging ang mga musmos pa sa ating mga lokal lider.
Sa huli nga nitong pagpupulong, nagkaisa ang labing-pitong mayors ng National Capital Region o Metro Manila na ipagbawal pa ang paglabas ng mga kabataan. Kasi nga, ay nakikita pa rin nila ang panganib sa pandemiya nating ginagalawan. Ibig sabihin ay nandidito pa ang virus na nakamamatay. So para maiwasan lalo ito, muli nilang iginiit na hindi pa dapat palabasin ang mga mas nakababatang miyembro ng lipunan.
Kung sa kasalukuyan ang mga may edad na 18 hanggang 60 ang pinapayagang makalabas ng kani-kanilang mga tahanan, mananatili pa rin ito kahit na ngayong kapaskuhan.
Maging mga peditrician at mga dalubhasang duktor sa nakakahawang mga sakit ay sang-ayon dito. Kasi nga daw, ang mga bata ay madaling makapanghawa dahil sa taglay nitong kalikutan. “Silent spreader” pa nga ang tinawag nila sa mga ito.
Ayaw ng ating mga dalubhasa na muling tumaas pa ang mga kaso ng COVID-19, na sa ngayon ay lagpas apat na daang libong kaso na, at ang mga namatay ay lagpas walong libo na.
Huwag na tayong sumuway sa kautusang ito. Iniiwas lang naman tayo ng ating mga mayor sa kapahamakan. Ang kanilang desisyon ay nakabase rin sa mga pahayag ng mga eksperto sa kalusugan.
May mga iba pa namang lugar na pwede nating isama ang ating mga tsikiting, tulad ng mga parke at pasyalan, mas ligtas pa ang kapaligiran na ito para sa ating mga kabataan at maging sa kanilang pangangatawan. Siyempre nandiyan pa rin ang pagsunod natin sa mga dapat na gawin at iwasan para di mahawaan ng virus.
Mayroon tayong sampung milyon (10,000,000) naninirahan dito sa kamaynilaan, at kalahati ng kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 ay dito naitala, huwag na nating palakihin ang bilang na ito, sumunod tayo sa lahat ng ipinaguutos sa atin ng pamahalaan, mapa-nasyunal o lokal man.