Advertisers
By BKC
TULUYAN nang lilipad sa 2021 bilang teleserye ang “Darna”; ito ang pormal na inanunsyo ng ABS-CBN chief operating officer ng broadcast na si Cory Vidanes sa “Star Magic Shines On” event na pumirma rin ng kontrata ang ilan sa mga maniningning na bituin ng ABS-CBN kamakalawa.
“Tuloy na tuloy na po ang paglipad ni Darna. Ngayong 2021 na po, Mars Ravelo’s ‘Darna: The TV Series,’” ani Vidanes.
Inanunsyo rin sa nasabing event ang pagganap ni Jane de Leon sa tanyag na Pinay superhero kasabay ng kanyang pagpirmang muli ng kontrata sa Star Magic.
Sey ni Jane, “Nangingibabaw lang talaga sa akin ‘yung kasiyahan. Excited ako sa darating na chapters sa buhay ko,” Jane said. “It’s another dream na naman na natuloy… Grabe ‘yung pasasalamat ko talaga sa mga boss dahil until now, ‘yung pagtitiwala nila na sa akin pa rin ibigay ‘yung bato, nandoon pa rin,” sabi pa ni Jane.
Bukod kay Jane, pumirma rin ng kontrata sa ABS-CBN ang tinaguriang Millennial Multimedia Idol na si Kim Chiu, leading men na sina Enchong Dee, JM De Guzman, at Joseph Marco, MYX VJ at host na si Robi Domingo, Teen Idol na si Andrea Brillantes at aktres na si Kira Balinger.
Sila ay sinamahan ng bagong P-Pop groups mula sa Star Hunt na “BINI” at “SHA Boys.”
Mapapanood simula December 14 si Kim sa bagong palabas ng Dreamscape Entertainment na pinamagatang “Bawal Lumabas.” Mainstay pa rin si Kim sa “ASAP Natin ‘To” at “It’s Showtime.”
Magkakasama naman ang “Pinoy Big Brother Connect” host at Netflix film “Alter Me” top-biller na si Enchong at Gold Squad member na si Andrea sa “Huwag Kang Mangamba,” isang bagong teleseryeng aabangan ng lahat sa 2021. Mapapanood din sa nasabing teleserye ang Gold Squad members na sina Francine Diaz, Kyle Echarri, at Seth Fedelin.
Samantala, muling bibida si JM ngayong 2021 sa “Init sa Magdamag” kasama sina Gerald Anderson at Yam Concepcion. Tiyak na aabangan din ng kanyang fans ang nalalapit niyang Star Cinema movie.
Tampok sa dalawang Metro Manila Film Festival (MMFF) entries ngayong taon si Joseph na kamakailan lang ay nagpasiklab bilang si Avel sa hit Primetime Bida series na “Ang Sa Iyo Ay Akin.”
Kasalukuyan namang host si Robi ng “Pinoy Big Brother Connect” na magbubukas na ngayon, Linggo (Disyembre 6) sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z channel 11, at Kumu.
Bukod sa PBB, game master din si Robi ng pambansang game show ng Pilipinas, “Game KNB?” na mapapanood saan man sa mundo sa pamamagitan ng TFC, TFC IPTV, at Kumu.
Pumirma rin ng kontrata sa Star Magic si Kira na kasalukuyang gumaganap bilang Hope sa “Ang Sa Iyo Ay Akin.” Makakaasa naman ang fans ni Kira gayundin ni Grae Fernandez na buong-buo pa rin ang love team na “KiRae” dahil magkakasama pa rin ang dalawa sa isang teleserye at online project soon.
Bukod sa walong artista na mananatiling Kapamilya, bahagi na rin ng Star Magic ang bagong P-Pop groups mula sa Star Hunt na “BINI” at “SHA Boys.” Kabilang sa mga miyembro ng “BINI” sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena. Sina Gelo, Mikki, Akira, Nate, at JL naman ang bumubuo sa “SHA Boys.”
Nagpabatid naman ng mensahe ng pag-asa si ABS-CBN chairman Mark Lopez tungkol sa patuloy na pagseserbisyo ng kompanya sa mga Pilipino.
“Maraming salamat sa inyong pagtitiwala. Sa pagbubukas ng bagong taon, kami ay umaasa at nananatiling positibo sa aming mga artista, ABS-CBN leaders, mga empleyado, at lalong-lalo na sa aming masusugid na Kapamilya. Alam naming mas mas mataas pa ang maaabot ng ABS-CBN sa aming patuloy na paglilingkod sa mga Pilipino saan man sa mundo,” saad ni Lopez.
Ayon naman kay ABS-CBN president and chief executive officer Carlo Katigbak, ang pagiging Kapamilya ay hindi lamang isang trabaho, kundi isang “calling” upang makapagsilbi sa sambayanang Pilipino. Pinasalamatan din niya ang Kapamilya artists na nanindigan para sa network sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan nito.
“Gusto kong pasalamatan ang mga Kapamilya natin na inirerepresenta ang ABS-CBN sa mundo. Kayo ang nagbibigay ng liwanag at ligaya sa ating mga Kapamilya. Salamat sa pagiging parte ng ating misyon, sa pagtitiwala sa ABS-CBN, at inyong patuloy na pagsuporta sa kabila ng ating mga pinagdaraanan,” sabi ni Katigbak.
Tinapos ni Katigbak ang kanyang speech sa pamamagitan ng pag-anunsyo sa bagong head ng Star Magic na si Laurenti Dyogi na nagpasalamat din sa Kapamilya artists na nanatili at pumirma ng kontrata sa talent agency.
“Kilala ang Star Magic sa pagbubuo, paghahasa, at pangangasiwa sa ilan sa mga maniningning na artista sa industriya, at ating ipapapatuloy ang tradisyon na ito,” saad ni Dyogi na opisyal nang magiging head ng Star Magic ngayong January 2021 habang pinamumunuan ang TV production.