Advertisers
Kinasuhan ng rape ng tatlong dalagita ang isang tserman na nagsisilbi rin lay minister ng simbahan sa paulit-ulit na pangmomolestya at pang-aabuso sa kanila sa Moncada, Tarlac.
Kinilala ang akusado na si Brgy. Capt. Orlando Baliola ng Brgy. San Leon.
Sa report, ang tatlong dalagita na nagkaka-edad ng 13, 15 at 17, pawang mga estudyante, ay unang dumulog kay Moncada Mayor Estelita Aquino at sa Moncada Police Station upang isuplong ang anila’y hindi na nila makayanang kahalayang pinaggagawa sa kanila ni Baliola na ilang taon na rin nitong ginagawa.
Sa sinumpaang salaysay ng mga biktima, salitan umano silang kinokorner ng kapitan sa mismong loob ng Barangay Hall at sa bahay nito, na nagsimula pa may tatlong taon na ang nakararaan.
Nagbibigay rin umano ng pera na ₱20-₱200 ang kapitan sa mga biktima at sinasabihan silang huwag magsusumbong.
Nabatid na ang pinakahuling insidente ay noong Abril, 2020 sa pamamagitan ng paglamas umano sa kanilang murang dibdib, paghawak sa kanilang ari at may pagkakataong pinapalaro pa ng kapitan ang kanyang ari sa mga bata.
Bukod sa pagiging kapitbahay, naging malapit umano ang kapitan sa mga biktima na pawang miyembro ng choir dahil siya rin ang tumatayo ng gitarista.
Ayon kay Mayor Aquino, pinayuhan niya si Baliola na magbitiw na lang sa tungkulin upang hindi mabahiran ng mantsa ang kanyang tanggapan bilang chairman ng Brgy. San Leon, na malugod naman umanong tinanggap ng huli ang pagre-resign.
Mariing itinanggi umano ng tserman ang paratang sa kanya at sinabing may bahid-pulitika ang naturang reklamo laban sa kanya.