Advertisers
Mauuna na ako sa paulit-ulit na paalala sa ating mga kababayan tuwing nalalapit ang pagtatapos ng kada-taon – ang umiwas sa paggamit ng paputok.
Mangyari kasi, bukod sa matagal nang ipinagbabawal ang paggamit ng paputok para salubungin ang Bagong Taon, mas mabuting umiwas na tayo rito ng tuluyan dahil sa pandemiya na rin nating nararanasan.
Bukod sa pinapataas nito ang polusyon sa ating kapaligiran at sa hangin natin, makakatulong pa ito sa pagkalat pa rin ng virus na nakamamatay na COVID-19. Kasi nga pag may mga putukan, mapa-kapitbahay o komunidad man, at kahit na firecracker display pa ito, siguradong mag-uumpok-umpok ang tao sa ganitong mga pagtitipon at selebrasyon.
Paulit-ulit na paalala pa rin ng ating Kagawaran ng Kalusugan o Department of Health (DoH) ang mga safety health protocols gaya ng palagiang paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng face mask at shield at social distancing upang di tayo madapuan ng virus na nanggagaling sa laway ng bumabahing, umuubo at kahit na kausap nating mga makakatabi.
Maari pa naman natin salubungin ang Bagong Taon nang hindi tayo gumagamit ng paputok, gaya ng paggamit ng mga torotot at pito o kaya naman ay mga malalakas at masasayang tugtugin.
Sa huling talaan nga ng DoH, mayroon pa rin tayong kulang-kulang na tatlumpung libo ng ‘active’ na kaso ng COVID-19. Nangangahulugan narito pa rin ang panganib ng virus, kahit pa magpalit ng Bagong Taon. Kaya ang paputok ay inilalagay tayo at ang ating kapaligiran sa panganib. Kung maaari nga tuluyan ng i-ban ang paggamit ng paputok.
Ang pera nating gugugulin sa paputok pangsarili mang gamit o pangkalahatan gaya ng fireworks display ay maaari pang magamit sa mas mahalagang mga bagay tulad sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo o anumang sakuna, pangbayad sa ating mga frontliners o puhunan sa mga wala pa ring mapagtrabauhan dahil sa pandemiya.
Sasabihin na naman ng ibang mapanuri sa pamahalaan na paano naman ang mga taong nasa sektor ng mga gumagawa at nabubuhay sa paggawa ng paputok?
Hindi ba sila maaaring mapunta sa ibang uri ng pagnenegosyo? Marami po silang pwedeng paglipatan ng pagkukunan ng ikabubuhay.
Muli, gaya ng paalala ng DoH, sa tuwing tayo ay gumagamit ng paputok, nagbibigay ito ng nakasasamang polusyon na nakapagpapahina ng ating mga panlaban sa sakit o ating immune system, na maaaring makapagbigay ng sakit sa atin namang respiratory system na siyang inaatake ng virus na COVID-19.
Kung di naman kayo makuha sa paalala, ay isipin niyo na lang ang aking mga nabanggit bago kayo magpaputok sa Bagong Taon.