Advertisers
GALIT NA GALIT na iniutos ni Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso ang pagsibak at pagsasampa ng kaso laban sa isang barangay chairman sa Tondo, Maynila na nabidyuhang “nangingikil” sa beneficiares ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.
Pormal na inihain ng Manila District 2 Social Welfare sa DILG-Manila ang reklamo laban kay Barangay 261(District 2 ng Tondo) Chairman Augusto “JoJo” Salangsang Jr..
Si Salangsang ay nabidyuhang humingi ng isang libong piso sa kada benipisyaryo ng SAP na nakatanggap ng payout noong Nobyembre 26 (Huwebes).
Maririnig sa audio ng kuhang video na sinasabi ng tserman na kailangang magbigay ng isang libong piso ang mga benepisyaryo sa DSWD kapalit ng pabor na ibinibigay sa kanila sa pamamagitan ng SAP.
Mariin naman itong itinanggi ng tsernan sa kanyang inihaing depensa. Bukod dito, nagpapirma rin si Salangsang ng dokumento (na nakunan din ng larawan) na patunay na hindi ito nanghingi ng pera sa mga benipisyaryo.
Dati naring nag-viral sa Youtube si Salangsang dahil sa paggamit ng shabu ngunit naibasura ang kaso dahil sa teknikalidad.
Sa kabilang banda, kinasuhan narin ni MDSW Acting Director Ma. Julie Bajelot sa Department of Interior and Local Government (DILG) si Salangsang sa paggamit ng kanyang pangalan sa pangingikil sa SAP beneficiaries. Hiling niyang patawan din ng preventive suspension ang tserman.
Si Bajelot ang tinutukoy ni Salangsang sa video na “Ma’am Julie” na bibigyan ng “pamasko” mula sa nakikil na P1K sa SAP beneficiaries na tumanggap ng tig-P16,000 sa “wait list” ng programa ng DSWD.
Maging ang Manila Barangay Bureau ay pinagpaliwanag narin si Salangsang na umamin naman sa alegasyon. Ikinatuwiran nitong kusang loob siyang binigyan ng SAP beneficiaries, taliwas sa maririnig sa video na sinabi niyang “ang hindi magbibigay ay hindi ko na bibigyan ng mga biyaya pang darating”. (Jocelyn Domenden)