Advertisers
The key to life is accepting challenges. Once someone stops doing this, he’s dead. — Actress Bette Davis
MAY pagdadalamhati si Brigadier General Rolando Fernandez Miranda sa paglisan niya sa Manila Police District bilang hepe makaraang magsilbi sa Manila’s Finest sa loob lamang ng walong buwan at 11 araw.
Gayunman, sa kabila ng pagiging hepe ng sandaling panahon lang at sa gitna pa ng pandemya ng coronavirus, naging mahusay naman ang paninilbihan ni Miranda at tunay na inangta niya ang lokal na pulisya para magbalik ang tiwala ng mamamayan dito.
Bukod pa rito, nagawa rin niyang mapaaresto ang pinakamalaking bilang ng mga kriminal at mapatupad ang mahigpit na kampanya laban sa droga tulad ng pag-uutos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng pinapairal na ‘giyera kontra droga’.
Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Miranda na lilipat siya sa Police Regional Office sa Western Visayas (Region VI) habang dala-dala ang kanyang karanasan sa Maynila.
Humalili kay Miranda si Central Luzon (PRO3) director Brig. Gen. Bernard Leo Francisco, na siyang mamumuno sa Manila’s Finest simula Disyembre 1 ngayong taon.
Nagbigay si Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ng apat na espesipikong kautusan sa bagong hepe ng MPD chief: walang police involvement sa illegal drugs; walang kidnapping: walang sugal, mula video karera hanggang sakla at walang inuman sa mga pampublikong lugar.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang turnover ceremony sa MPD headquarters sa United Nations Avenue, pinuri ng alkalde ang performance ni Miranda.
Nagpasalamat naman ang outgoing MPD chief kay Domagoso sa kanyang mahusay na pamumuno at mga polisiya sa lungsod, partikular na sa gitna ng Covid-19.
Samantala, sa pagsalubong kay Francisco, pinaalalahanan ni Domagoso ang lokal na pulisya na may pinangangalagaang imahe ang Manila’s Finest—yaong pagiging pangunahing pulisya sa buong bansa.
Tinukoy niya ang nakasaad na haligi ng MPD: “In these halls, men know how to die.”
Tumugon naman si Francisco sa pamamagitan ng pangakong tutuparin niya ang kanyang tungkulin para mapangalagaan ang publiko at maipatupad ang batas sa buong lungsod.
Naniniwala kaming magiging maayos at maganda ang Maynila—lalo na sa dahilang dalawang Francisco ang mamamahala sa aspeto ng pamahalaan at sa pulisya.
* * *
PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!