Advertisers

Advertisers

Bong Go: Digmaan, hindi susi sa kaunlaran at kapayapaan

0 267

Advertisers

IDINEPENSA ni Senator Christopher “Bong” Go ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nire-red-tag ng pamahalaan ang Makabayan bloc organizations kahit pa maraming nalalamang impormasyon ang Chief Executive laban sa makakaliwang grupo dahil na rin sa kanyang naging karanasan noong alkalde pa ng Davao City.

“Maraming alam si Pangulong Duterte, dati siyang mayor ng Davao City. Kami po, magkasama kami for the past 22 years. Talagang alam namin kung sino ang talagang may linya — sa Left,” ayon kay Go sa ambush interview matapos pangunahan ang distribusyon ng emergency assistance sa fire victims sa Quezon City.

“Kung ano po ang sinabi ni Pangulong Duterte, totoo po ‘yun. Witness po s’ya sa mga bagay na ‘yan. ‘Wag na po tayong magmaang-maangan pa,” aniya.



Sa kanyang weekly Talk to the People address, itinanggi ng Pangulo na nagsasagawa ng red-tagging ang gobyerno sa Makabayan bloc organizations bagkus ay sinabi niyang lantad naman noon pa na ang grupo ay may kaugnayan sa CPP-NPA.

Binanggit din ng Pangulo na nagtitiwala siya sa pahayag ng militar na ang nasabing grupo ay prente ng Communist Party of the Philippines.

“We are not red-tagging you. We are identifying you as members in a grand conspiracy comprising all the legal fronts that you have organized headed by NDF (National Democratic Front) and Communist Party of the Philippines,” ani Duterte

Idinagdag pa ng Pangulo na ang tanging layon ng Makabayan bloc ay wasakin ang demokrasya sa bansa.

“May mga ilang tao na nanggaling sa inyong kampo na openly attacked you, not only criticized, for your sheer brutality in this communal war,” ang sabi ng Pangulo.



Binalaan din ng chief executive ang mga Lumads sa kanilang patuloy na pakikipag-alyansa sa rebeldeng grupo.

Sa kanya namang panig, sinabi ni Go na hindi niya gusto na makita ang mga Filipino na nagpapatayan sa isa’t isa sa pagsasabing ang pag-aarmas at digmaan ay hindi solusyon upang makamit ang kapayapaan.

“Ako naman, personally ayokong nagkakapatayan ang Pilipino laban sa kapwa Pilipino, nasasaktan po ako.”

“‘Di po nadadaan sa armed struggle ‘yan at kung gusto n’yo talaga ng totoo at maayos na pagbabago na makakabuti sa bawat Pilipino, tigilan n’yo na ang armadong pakikibaka,” anang senador. (PFT Team)