Advertisers

Advertisers

“WALANG NGANGA SA PASKO” – ISKO

0 279

Advertisers

WALANG ‘nganga’ sa darating na Pasko.

Ito ang pagtiyak ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng pag-anunsyo nito na handa na ang pamahalaang lokal na bumili ng bakuna kontra sa COVID-19. Ibinalita rin ni Moreno na ang dating P200 million na budget ng lungsod sa pagbili ng bakuna ay nadagdagan pa at P250 million na ito ngayon.

Sa isang panayam kay Moreno, sinabi nito na nakaisip sila ng paraan ni Vice Mayor Honey Lacuna upang ang lahat ng pamilya sa Maynila na umaabot sa bilang na 650,000 ay magkaron ng pagsasaluhan sa kanilang hapag pagdating ng bisperas at mismong araw ng Pasko.



“As we speak, baka nasa mga distrito na ang food packs. May mapagharimunan man lamang ang mga tao… walang nganga sa bisperas ng Pasko. ‘Yung 70 percent of the food packs can be set aside para sa Christmas Day o Christmas eve. Kung wala kang chape (money), kahit pano me handa, hindi ka nganga,” ayon kay Moreno.

Dinagdag pa nito na : “Di man namin kayang sagutin lahat, maramdaman man lang nila na me gobyerno sa lungsod.”

Samantala, sinabi ni Moreno na maswerte siya sa pagkakaroon ng koneksyon sa mga pharmaceutical companies na nagde-develop ng bakuna sa COVID-19. Ayon sa kanya ay ready na ang bakuna at naghihintay na lang ng certification.

“Pag dumating ang oportunidad na magkamit ng vaccine, ang regalo namin sa inyo ni Vice Mayor Honey at mga konsehal on top of the national government, the local government will do the same,” ayon pa kay Moreno.

Sa pagpili kung sino ang mauuna sa bakuna, sinabi ni Moreno na hihingin niya ang gabay ng mga regulatory offices, dahil kailangang bigyang kunsiderasyon ang mga age groups at may preconditions.



“Kung ano ang protocol ng DOH, ‘yun din ang gagamitin ng Manila Health Department para di naliligwak ‘yung utaw o nangangapa sa dilim. Kung ano ang mensahe ng national government, ganundin ang mensahe ng local government at mensahe din ng mga barangay,” sabi ng alkalde.

Sinabi pa ni Moreno na gagawa ng ID system at website ang pamahalaang lokal upang ang mga naghahangad na mabakunahan ay masiyasat base sa kanilang kundisyon.

Tiniyak din ng alkalde na mauuna siyang magpabakuna upang siguruhin na ligtas ito para sa lahat.

Sinabi pa ng alkalde na naantala ang pagpasa sa budget ng lungsod dahil may isiningit na mga probisyon kung saan ang mga road projects ay kailangang ikansela upang paboran ang pagbili ng bakuna sa COVID-19. (ANDI GARCIA)