Advertisers

Advertisers

Kilos obrero

0 371

Advertisers

MISTULANG inilipat ang araw ng paggawa at manggagawa noong 30 Nobyembre sa halip na Mayo 1 dahil sa dami ng mga obrerong tumungo sa University Avenue sa Pamantasan ng Pilipinas. Nagtipon ang mga obrero upang gunitain ang kapanganakan ng Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio.

Isinantabi ng mga obrero ang kanilang magkakaibang tindig at nagkaisa na magkapit bisig ano man ang linya at kulay para sa layuning wakasan ang hindi maka-mangagawang patakaran ng Estado. Mariin nilang kinokondena ang paggamit ng Anti-Terrorism Law laban sa mga obrerong tutol sa hindi makataong patakaran at panggigipit sa kanilang hanay.

Halos lahat ng uring obrero’y lumahok sa pagtitipong naganap tulad ng mga nasa pabrika, transportasyon, health workers mula sa iba’t-ibang pagamutan, farm workers, hotel at restaurant, migrante at sinamahan ng mga grupo ng kabataan na siyang nagpasigla ng pagkilos. Kapansin-pansin ang iba’t ibang pederasyon ng mga obrero: Nagkaisa, FFW, Sentro, PSI, KMU at naroon din ang TUCP na isang moderate union federation.



Namula ang kahabaan ng University Ave. sa dami ng mga streamers na nagpapahayag ng mga mensahe ng mga obrerong talagang naapektuhan ng pandemya, bagyo at hindi maka-obrerong polisiya ng pamahalaan ni Totoy Kulambo.

Maagang nagtipon-tipon ang mga grupo ng obrero mula sa labas at loob ng pamantasan. Nagkaroon ng tila isang salubungan ng mga grupo na sumisimbolo sa kanilang iisang tayo at paninindigan laban sa mapang-aping patakaran ng pamahalaang ito. Ang tema ng kanilang pagtitipon ay “ Trabaho, Karapatan, Kaligtasan at Pananagutan”.

Sa kanilang tindig malinaw na masakit sa kanilang loob na hindi tumupad si Totoy Kulambo sa kanyang mga pangako. Sa halip, kinukulayan pa nito ang kanilang kilos bilang aktibista na terorista, na kung susumahin ito na ang tindig panahon pa ng Supremo, kung saan isinusulong ang interes ng uring mangagawa.

Hindi pumasok sa isip ng mga obrero ang manakit at gumawa ng gulo subalit kinukulayan ng estado ang lahat ng uri ng pagtatangol nila sa kanilang karapatan bilang galaw ng terorismo.

May pagkakaiba man sa tindig ng iba’t-ibang grupo sa mga usaping ipinaglalaban, ang pamahalaan ni Totoy Kulambo’y talagang may kahusayan dahil napag-isa nito ang mga grupong magkakasalungat ang tindig dahil sa kanilang tahasang paglabag sa karapatan ng manggagawa. At ang kawalan ng malasakit nito sa kalagayan ng ano mang uri ng obrero’y litaw sa lahat nang antas ng pamamahala.



Makikita sa mga galaw nito na hindi man nabigyang halaga ang rehabilitasyon at ayuda sa mga obrerong tinamaan ng pandemya at bagyo. Walang pondong inilaan ang pamahalaang ito upang ibangon ang kabuhayan ng obrero o ni Juan Pasan Krus na siyang bumabalikat sa lahat ng dusa at sakit, sanhi man ng kalikasan o ng pamahalaan.

Ang masakit pa nito, hindi tinitingnan ang mga obrero na katuwang sa negosyo’t kabuhayan ng bansa, sa halip tuwirang nilalapastanganan at nilalabag ang karapatan ng mga ito. Madalas nakukulayan na makakaliwa at pulahan na siyang dahilan upang damputin kahit lehitimo ang kahilingan.

Kinakatawan ng obrero ang kalahati ng produksyon. Ang kagalingan nila ay kagalingan ng inilalabas nilang produkto. Hindi nila matitiis na maglabas ng mga produktong walang kalidad dahil sumasalamin ito sa kanilang pagkatao.

Sa halip na tingnan ang obrero bilang katuwang, ito’y nakakaranas pa ng pananakot at intimidasyon. Madalas ang lehitimong kahilingan tulad ng dagdag na sahod at kaligtasan sa mga pagawaan ay iniuugnay sa paglabag sa batas ng pagawaan. Kaya sa pagtitipon naganap sa araw ng kapanganakan ng Supremo’y napakita ang ‘di tapat na hustisya na umiiral sa bansa.

Magkaiba ang hustisya sa mga obrerong nagpapaabot ng mga hinaing tulad ng makataong pasahod na pantustos sa pamilyang naghihikahos. Samantalang ang mga kakampi, kaklase, kaibigan at mga kinatawan ay hindi makanti o mapilit na maghayag kahit ng SALN upang makita ang estado ng pag-aari nito.

Hindi na ito ginagastusan ng bilyon bilyong intelligence fund ‘di tulad ni Juan Pasan Krus na todo ang takot baka ma red-tag, o matawag na terorista na ang tanging ipinuputok lamang ay ang ubong may plema. Kaya ingat mga obrero dahil ang paghingi ng umentong kailangan ng pamilya’y may pula’t dilaw na kulay na kinakatakutan ng estadong takot bumaba sa pedestal.

Handa itong gamitin ang pondo na binawas sa inyong buwis at sabihan o masabi sa iyo na ika’y terorista, Diyos ko po!

Sa isang sulok ng pagkilos, nakausap ko ang isang lider obrero mula sa Buhangin, Davao City. Naibahagi niya na siya’y dating magsasaka at tulad ng ating naririnig sa mga kuwentong bayan, siya’y inagawan ng lupa hangang lumabas na siya’y nakikisaka na lang.

Ang masakit nito ng humingi sila ng mga karagdagang sahod bilang mangagawang bukid ay nakulayan pa; nakulong at halos mapatay. At nang mabigyan ng pagkakataon at pakawalan, hindi nagdalawang isip na umalis ng Davao upang isalba ang sarili dahil karaniwan sa kanila ang nawawala na lang at ‘di na nakikita.

Dito na siya sa Maynila nagtigil at namasukan sa pabrika na iba lang ang anyo ng kaapihan subalit pareho ang peligro sa buhay.

Ang ganitong kwento’y talagang may hapdi sa puso na kailangan unawain dahil dinig ang kada tibok ng puso na hindi malayo sa atin. Ang inaabot na mensahe’y kailangan ipaabot sa kinauukulan upang mabigyan ng karampatang aksyon.

Hindi terorismo ang pagpapaabot ng hinaing na kailangan dinggin at gawan ng tamang aksyon. Ang kilos protestang naganap, tulad ng tindig ng ating supremong si Andres Bonifacio ay ang boses ng mga obrerong nagnanais ng tunay na pagkilala at pagbabago.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan , gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

Mabuhay ang Lahat ng Obrero!

***

dantz_zamora@yahoo.com