Advertisers
Ito ang unang-unang tanong na sumagi sa aking kaisipan at pagkatao nang aking malaman na ang anak na babae ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat ay napatay sa enkwentro sa pagitan ng ating sandatahang lakas at ng teroristang grupo ng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur kamakailan lamang (November 28,2020).
Bilang kawani ng pamahalaan sa serbisyo publiko gaya ni Rep. Cullamat, pinaaabot ko muna ang taos puso kong pakikiramay at dalangin sa pamilya ng mambabatas na miyembro rin Makabayan bloc.
Di ko maisip na totoo pala ang mga balita na may kaugnayan talaga ang Makabayan bloc sa mga gawain ng komunistang-teroristang Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), National Democratic Front (NDF).
Ang anak ni Rep. Cullamat na si Jevilyn ay kasapi na pala bilang ‘medic’ ng NPA at nabibilang sa CPP-NPA Sandatahang Yunit Propaganda (SYP) Platoon ng Gureilla Front 19, ng Northern Regional Committee (NEMRC).
Si Jevilyn Campos Cullamat, 22 anyos, alias Reb sa CPP-NPA ay napaslang sa enkwentro sa pagitan ng militar at NPA sa Barangay San Isidro, Marihatag, Surigao del Sur. Ayon sa Kalinaw News ng Philippine Army, ang enkwentro ay tumagal ng 45 minuto at nagresulta sa pag-atras ng mga rebeldeng terorista na iniwan na lamang ang mga napaslang na mga kasamahan at nagresulta sa pagkakarekober ng militar sa bangkay ng pinaka-batang anak ni Rep. Cullamat.
Ang ganitong balita at pangyayari ay magmulat na sana sa ating mga mata at kaisipan sa katotohanan – na walang ibubungang mabuti ang armadong pakikibaka. Sinasayang nito ang ating mga kabataan at ang kanilang murang kaisipan sa isang maling idelohiya.
Ang kanilang kamatayan sa ganitong mga enkwentro ay hindi ka-martiran kundi numero lamang na idadagdag sa listahan ng napakarami ng kabataang namatay ng walang saysay sa sinasabing pakikibaka. Walang ibang dapat sisishin kundi ang mga nanghihimok sa kanila.
Iniisip ko tuloy ang magiging pakiramdam ng mga magulang na gaya ni Rep. Cullamat na ang mga anak ay patuloy nilang inaalala ang kalagayan buhat ng nawala sa kanilang piling, at kalaunan ay natuklasan na sumapi na pala sa komunistang-teroristang samahan.
Sana, ang kanilang mga anak ay makauwi sa kanilang mga tahanan na di gaya ng nangyari kay Jevilyn upang makapiling pa sa mga masasayang sandali na magkakasama ang buong pamilya.
Maging ang ating mga senador siguro ay ikinagulat ang balitang ito sa anak ni Makabayan bloc member Rep. Cullamat, lalo na, may kasunod pang pagdinig ang Senate Committee on National Defense hinggil sa kaugnayan ng grupo ng mambabatas sa komunistang-teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF.
Kahit na di nakakadalo ng mga pagdinig sa senado, si Rep. Cullamat, tulad ng kanyang mga kasamahan ay umaani na ng batikos at kritisismo sa kanilang pagtatanggol sa anila’y pakikibaka para sa bagong uri ng pamamahala, ang maging komunista ang bansa.
Iisa lamang sa ngayon ang pinipili ng maraming Filipino na uri ng pamumuno at pamamahala. Wala itong kasamang armadong pakikibaka o pakikipag-laban sa pamahalaan. Lahat ay dinadaan sa malayang pakikipag-usap at talakayan upang ang lahat ay mapabuti sa kabila ng hindi pagkakaunawaan. Walang saysay ang humawak ng armas upang marinig lamang ang iyong panig. Wala itong ibang pupuntahan kundi ang sariling kamatayan.
Panahon na upang bumaba sa kabundukan at isuko ang mga armas na mismong kikitil din ng inyong mga buhay. Kabataan, totoong kayo ang kinabukasan ng bayan, ngunit wala sa kabundukan ang inyong ika-tatagumpay.