Advertisers
Muling pinatunayan ng ating kababayan na si Wesley So na hindi lang sa Fischer random niya kayang talunin ang world champion na si Magnus Carlsen.
Tinalo ni Wesley si Carlsen sa finals ng Skilling Open online rapid tournament. Si Carlsen ang current world champion sa classical, rapid at blitz habang si Wesley naman ang hari sa Fischer random.
Aminado si Carlsen na hirap siyang talunin si Wesley dahil bihirang magkamali ang Pinoy chess genius na kasalukuyang nire-represent ang Estados Unidos.
Parang kailan lang ay sa mga small-time tournaments sa ating bansa sumasali si Wesley tulad ng Cafe Lupe chess tournament kung saan isa tayo sa organizers. Ngayon ay puro mga bigating tournaments na ang kanyang nilalaruan at karaniwan na sa kanya ang pumisak ng Top 10 players sa world ranking.
Congrats Wesley!
***
Sa Disyembre 13 ay magsasagawa ng online simultaneous chess exhibition sina Grandmasters Eugene Torre at Jayson Gonzales kung saan ang proceeds ng event ay mapupunta sa mga biktima ng recent calamities na nagpahirap nang husto sa ating mga kababayan.
Isa si Sen. Manny Pacquiao sa mga inimbitahang lumaro sa simultaneous chess na nabanggit at pinaunlakan naman agad ng fighting senator ang imbitasyon.
Kilalang mahilig maglaro ng chess ang boxer-turned politician. Katunayan ay mayroon itong chess set na nakadisplay sa lamesa ng kanyang opisina.
Pero bukod sa talagang hilig niya ang paglalaro ng chess, sigurado tayo na ang main reason ni Sen. Pacquiao sa pagsali sa simultaneous chess exhibition ay ang makatulong pa lalo sa mga kababayan nating nagsisikap makabangon mula sa kalamidad na dumapo sa bansa.