Advertisers
SERYOSO at pinaninindigan ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang tagubilin na ipinagbabawal muna sa lungsod ang anumang uri ng mga parada o prusisyon, habang nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ginawa ng alkalde ang pahayag dahil sa nalalapit na panahon ng Kapaskuhan kung kailan inaasahang maraming aktibidad ang isinasagawa ng mga mamamayan, partikular na sa mga simbahan at iba pang sektor.
Paglilinaw naman ni Moreno, kung ang mga aktibidad ay gagawin sa loob ng simbahan ay hindi makikialam dito ang lokal na pamahalaan, gaya na lamang aniya ng mga plano sa pagdaraos ng tradisyunal na Simbang Gabi, na hudyat ng Pasko.
Paalala naman ng alkalde, kailangan lamang na matiyak na nasusunod ang mga health protocol para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Gayunman, kung ang mga aktibidad aniya ay lalabas ng simbahan, gaya ng mga parada o prusisyon, kailangang magpaalam muna sila sa Manila LGU.
Kaugnay nito, kaagad namang humingi ng pang-unawa si Moreno sa mga taga-simbahan at sinabing pagpasensiyahan na muna siya ng mga ito ngunit sa ngayon ay hindi aniya niya maaaring payagan ang mga parada at kahalintulad ng mga aktibidad.
Paliwanag niya, tila kasi mag-iimbita ito ng maraming tao o mass gathering, na maaaring maglagay sa kanila sa panganib lalo na at patuloy pa ring nananalasa ang pandemya.
Babala pa ni Moreno, baka magkaroon ng major surge o pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 kung hindi gagawa ng aksyon ang lokal na pamahalaan.
Matatandaan na una ng nagpasya ang lokal na pamahalaan at pamunuan ng Quiapo Church na dahil sa COVID-19 pandemic, kanselado ang Traslacion 2021 o prusisyon ng Poong Hesus Nazareno, na taon-taon ay nilalahukan ng milyun-milyong deboto. (Andi Garcia)