Advertisers
Santiago City – Nadakma ng mga awtoridad ang pitong miyembro ng isang sindikato na nagbebenta ng pekeng ginto at palladium bars dito sa lungsod.
Sa ulat ni Police Lt.Col. Andree Michele Camhol, Public Information Officer ng Police Regional Office 02, nakilala ang mga naaresto ay sina Rico Callueng, lider ng grupo, 56 anyos, contractor/Engineer, ng Tuao, Cagayan; Apolinario Basanes, 55, dati umanong miyembro ng militar, ng Baritao, Manaoag, Pangasinan; Rodolfo Pascua, 46; Jayson Pascua, 30, kapwa magsasaka, ng Marabullig 2, Cauayan City; Angel Lacson, 49, driver, ng Magalang, Pampanga; Edelina Patio, 50, broker, ng Mexico, Pampanga; at Arnold Villasis, 42, negosyante, ng Allacapan, Cagayan.
Nasakote ang grupo sa inilatag na ‘Oplan SALIKOP’ at ‘Oplan Paglalansag OMEGA’ ng PNP laban sa mga grupo na nagbebenta ng pekeng ginto at palladium bars na may malawak na operasyon sa bansa.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Santiago City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office (SCPO), at sa pakikipagtulungan ng Traffic Group Unit ng SCPO, City Mobile Force Company, Enrile Cagayan Police Station at Solana Cagayan Police Station.
Kinumpiska ng pulisya sa mga suspek ang isang Isuzu MUX, Mitsubishi Pickup, Mitsubishi Montero Sports, perang ginamit sa transaksyon na P10 milyon, isang caliber 45 pistol SAFARI na may isang magazine at anim na bala, isang cellphone at 2 pekeng palladium na may bigat na 217 kgs. ang bawat isa.
Isinagawa ang operasyon laban sa grupo matapos na magsuplong ang isang Engr. Felido Bautista na binentahan ng grupo ng Palladium na nagkakahalaga ng P10 milyon.
Lingid sa kaalaman ng grupo, ipinasiyasat ng biktima ang palladium kaya napag-alaman ni-yang peke ang kanyang nabili.
Nahaharap sa patung-patong na kaso na Extortion at Swindling ang mga nadakip na pansamantala nasa kustodiya na ng CIDG-Santiago para sa kaukulang dokumentasyon.
(Rey Velasco)