Advertisers
TUMUPAD sa kanyang pangako, niresbakan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga naging biktima ng Typhoon Ulysses sa Cagayan province para muling mamahagi ng iba’t ibang tulong.
“Pumunta kami ni Pangulong Duterte diyan mismo sa Solana at Tuguegarao, sa Cagayan noong nakaraang linggo. Nangako kami na babalik kami para magpadala po ng kaunting tulong para sa inyo,” ayon kay Go.
“Ngayon, kaya nandiyan po ang aking mga staff. Patuloy po silang umiikot para po makapagbigay ng tulong sa inyo. Hindi po namin kayo pababayaan,” anang senador sa video call.
Sa serye ng relief efforts ni Go simula November 24 hanggang 26, namahagi ang kanyang grupo ng iba’t ibang ayuda sa may 5,488 pamilya sa anim na lugar sa nasabing probinsiya.
Ang unang aktibidad ay isinagawa noong Martes sa Damurug Barangay Hall sa Alcala town, at sa Bitag Grande Barangay Hall sa Baggao town.
Noon namang Miyerkoles ay sumugod ang mga staff ng senador at nagbigay ng tulong sa mga pamilya sa Pacac Grande Barangay Hall sa Amulung, at sa Linao West Barangay Hall sa Tuguegarao City.
Ang huling aktibidad ay isinagawa nitong Huwebes sa Linao East Barangay Hall at sa Linao Norte Barangay Hall, kapwa sa Tuguegarao City.
Nagtungo rin ang Team Go at namahagi ng assistance sa Enrile, Solana at Tuguegarao City na pinadapa ng Typhoon Ulysses.
Tiniyak ng pangkat na nasusunod ang health protocols habang namamahagi ng tulong sa mga residente para maiwasan ang hawahan ng COVID-19 at iba pang posibleng sakit.
“May pinadala po ako sa inyo na mga groceries. May pinadala rin po akong vitamins, inumin niyo po ito, pampalakas ng resistensya. May pinadala rin akong mask, face shield. Tandaan na nandiyan pa po ang COVID-19 kaya mag-social distancing tayo, maghugas ng kamay, at huwag munang umalis ng pamamahay kung di kailangan,” ang paalala ni Go.
Lubos naman ang pasasalamat ni Linao West Barangay Chairman Gerry Quilang sa relief efforts na isinasagawa ni Sen. Go at ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktima ng kalamidad.
“Mr. President, and Senator Bong Go, maraming salamat. Gaano man kalayo ang aming lugar, narating po ng inyong tulong pinansyal,” ang sabi ni Quilang.
Ganito rin ang sinabi ni Linao Norte Barangay Chairman Rey Narag. “Maraming salamat po, Pangulong Duterte, kayo po ang kauna-unahang dumating sa amin upang tumulong sa aking kabarangay. Pati kay Senator Bong Go. Sobrang suporta ang dinala niyo sa amin.”
Bukod sa mga pagkain, mga gamot at ibang pangangailangan, nagbigay rin si Sen.Go ng mga bisikleta para magamit bilang transportasyon ng mga walang masakyan sa pagpasok sa trabaho at mga tablets para sa estudyante sa kanilang online classes.
“Sa mga estudyante, mag-aral kayo ng mabuti, ‘yan lang po ang puhunan natin sa mundong ito, edukasyon. At ‘yan po ang konsuwelo ng ating mga magulang na halos nagpapakamatay na magtrabaho para lang po mapag-aral ang kanilang mga anak,” ang payo ng senador sa mga mag-aaral.
Hindi rin nakalimutang bigyan ng ayuda ni Sen. Go ang mga nasalanta ng bago sa Rodriguez at San Mateo sa lalawigan ng Rizal.
Umaabot sa 4,833 typhoon victims sa Rodriguez at San Mateo ang nabiyayan ng tulong sa serye ng aktibidad na isinagawa ng opisina ni Sen. Go noong November 19, 20, 23 at 24. (PFT Team)