Advertisers
PINIRMAHAN na ni Manila Mayor Isko Moreno ang ordinansa na naglalaan ng P20 bilyon budget ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa para sa taong 2021.
Kasabay nito,umapela si Moreno sa mga taxpayers na tulungan ang lokal na pamahalaan na malikom ang nabanggit na pondo sa pamamagitan nang pagbabayad ng buwis sa takdang panahon.
“’Yang 20 billion, pipilitin naming malikom para ipantustos sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Mga numero lang ‘yan huwag kayo masyado umasa nang mataas. Ang importante me goal ang pamahalaang-lungsod. Pag na-achieve natin yan, maa-achieve na din natin pati mga tustusin,” ayon kay Moreno.
Ang City Ordinance 8702 ay nagkakaisang ipinasa ng Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna , presiding officer, majority floorleader Atty. Joel Chua at president pro tempore Jhong Isip
Nalaman na umabot sa P17 bilyon,ang budget noong isang taon.
Nalaman na kasama sa budgetary requirements na walang departamento ang bubuwagin, i-convert ang kasalukuyan plantilla position o lumikha ng panibagong posisyon ng walang balidong ordinansa at nakalaang appropriation; ang mga hindi nagamit na pondo ay hindi maaring ituring bilang savings ng walang pagsangayon ng Sangguniang Panlungsod at ang paggamit nito ay dapat na may hiwalay na ordinansa ; ang appropiation ng Non-Office Account, bilang contingency fund o back up fund na gagamitin ng pamahalaang lungsod para suportahan ang mga programa na kinakailangan na tugunan kaagad at ang mga proyekto na hindi sapat na napondohan ay dapat na i-endorso ng alkalde sa Sangguniang Panlungsod sa Committee on Appropriations para sa pag-apruba.
Ang pagbabayad rin sa garbage hauling
ay base sa kada biyahe na aakompaniyahan ng sertipikasyon mula sa barangay chairman na magpapatunay na hinakot ang basura ng mga kumpanya na inirekomenda ng Department of Public Services.
Ang anumang pag-aari na idineklarang “disposable” ng Patrimonial Properties ay dapat humingi ng pahintulot sa Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ng Chairman of the Appropriations Committee para kumuha ng awtorisasyon sa alkalde para i-dispose sa pamamagitan ng public bidding.
Ang anumang pagbili ng cleaning agents (solution and detergents) gamit ang pondo ng lungsod ay dapat na alinsunod sa Republic Act No. 9003 o kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, Republic Act No. 8749 at Republic Act No. 9275 o kilala bilang Clean Water Act of 2004 at limitado bilang
organic, biodegradable environment-friendly ang produkto at inaprubahan ng National Eco –Labelling Program of Green Choice Philippines.
Lahat ng infrastructure projects pinondohan ng lokal na pamahalaan ay kailangan na striktong ipatupad ang probisyon sa Accessibility for Persons with Disability sa ilalim ng Republic Act No. 7277 at kilala bilang Magna Carta for Disabled Persons, bago ilabas ang anumang kabayaran. (ANDI GARCIA)