Advertisers
NASAWI ang sinasabing babaeng anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat matapos maipit sa engkwentro ng sundalo at umano’y New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur.
Ayon sa report ng 3rd Special Forces Battalion, kinilala ang napatay na si Jevilyn “Ka Reb” Campos Cullamat, na miyembro umano ng Sandatahan Yunit Pampropaganda (SYP) ng Guerrilla Front (GF) 19.
Bahagi raw ang grupo ng Northeastern Regional Committee (NEMRC) ng NPA.
Nasamsam ng mga sundalo ang ilang armas, bala at dokumento sa pinangyarihan ng engkwentro sa bahagi ng San Isidro, Marihatag, Surigao del Sur.
Sa isang pahayag sinabi ni Rep. Cullamat na hindi malabong gamitin muli ng militar ang pagkakapatay sa kanyang anak para dikdikin ng maling akusasyon ang Makabayan bloc.
“Walang kapantay ang aking dalamhati sa pagpatay ng militar sa aking anak na si Jevilyn. Dumagdag ang dugo ng aking anak sa libong kalumaran na nagpatak ng dugo sa lupa para sa kalayaan at laban sa historikang pang-aapi ng aming hanay.”
Aminado ang kongresista na batid niya ang pagsali ng anak sa NPA dahil sa dinanas nilang abuso sa kamay ng Armed Forces of the Philippines (AFP). (Josephine Patricio)