Advertisers
TODAS ang lalaking itinuturing na ‘most wanted’ ng CALABARZON nang makaengkuwentro ng mga umaarestong pulis sa Daraga, Albay, Sabado ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Rodel Millena, 46, itinuturing na No. 1 “most wanted person” ng CALABARZON PNP.
Sa ulat, nagkasa ng pag-aresto ang mga awtoridad laban kay Millena sa may Barangay San Ramon 9:00 ng gabi.
Ayon kay Lt. Col. Ronnie Fabia, hepe ng Daraga Police, nakiusap sila kay Millena na sumuko pero nagmatigas ito. Tinangka umano ni Millena na tumakas at tinutukan ng baril ang isa pang pulis.
Nang hindi umano pumutok ang baril, kinuha umano ni Millena ang isang dalang granada pero inunahan na siyang barilin ng mga pulis.
Hinuli rin ang 2 kasamahan ni Millena na idinadawit sa mga iligal na aktibidad.
May kasong direct assault with murder at direct assault with attempted murder na inihain laban kay Millena kaugnay sa isang insidente sa Tanay, Rizal noong 2018.
Nahaharap din si Millena sa 3 iba pang kaso ng pagpatay sa Bicol region. (Mark Obleada)