Advertisers
NATAGPUAN sa baybayin ng Barangay Balikyas, Looc, Occidental Mindoro ang mga kagamitan ng nawawalang University of the Philippines (UP) law professor.
Sa ulat ni Occidental Mindoro police director Col. Hordan Pacatiw, natagpuan ang gray backpack na naglalaman ng mahahalagang kagamitan ni Ryan Oliva.
Natagpuan ito ng isang residente na si Jinny Histas 6:00 ng umaga.
“According to Histas, he was walking along the seashore and about to catch fish when he noticed the said bag little bit covered by sand and garbage,” saad sa police report.
Hindi naman nakita sa lugar ang nasabing propesor.
Natagpuan sa loob ng bag ang iba’t ibang ID ni Oliva maging ATM card nito. Nakita rin ang isang Android phone sa bag.
Matatandaan na nitong Sabado, Nobyembre 21, nawawala si Oliva na hepe rin ng Legislative Liaison Unit ng Department of Tourism.
Samantala, nakausap na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang taxi driver na naging service ni Atty. Oliva.
Ayon kay NBI Special Action Unit Chief Atty. Emeterio Dongallo Jr.,sinabi sa kanila ng ‘di na pinangalanang taxi driver na naisakay niya si Oliva sa tapat ng isang mall sa Pasay City at nagpahatid ito sa isang resort sa Barangay Wawa, Nasugbu, Batangas kungsaan nagbayad ito ng P2,500.00 noong November 22, 2020.
Kwento pa ng taxi driver, nagpahintay sa kaniya si Oliva ng halos 3 oras hanggang sa isang tricycle driver naman ang nagsabi sa kaniya na maaari na siyang bumalik ng Maynila.
Kinumpirma mismo ni Dongallo na nakausap na nila ang tricycle driver at inamin nito na inutusan nga siya ni Oliva para kausapin ang naghihintay na taxi driver.
Hinala ng NBI na posibleng nagtungo sa Lubang Island si Oliva kungsaan sumakay ito sa port ng Calatagan, Batangas pero kanila parin itong kukumpirmahin.(Jocelyn Domenden)